Anak ng COVID Delta variant positive sa Bulacan positibo rin, local transmission pinangangambahan

BULACAN- Inanunsiyo ni San Ildefonso Mayor Carla Galvez-Tan sa kaniyang live stream Facebook account na positibo rin sa COVID-19 ang anak ng Delta variant positive sa nasabing bayan na kinokonsiderang local transmission at pinangangambahang baka nakahawa pa sa mga residente rito.

Ayon sa alkalde, hindi pa mababatid sa ngayon kung Delta variant din ang virus na tumama sa anak ni Patient # 118 dahil tatagal umano hanggang dalawang linggo bago ma-trace kung anong uri ng variant.

Paglilinaw ng alkalde na hindi Overseas Filipino Worker (OFW) si Patient 118 at hinihinalang na-acquire nito ang virus mula sa ospital kung saan ito nagpa-check-up.

Si Patient 118 ay mula sa Barangay Poblacion na nagpatingin sa isang pribadong ospital July 10 at lumabas ang resulta kinabukasan at ito ay positibo sa COVID-19 kung saan siya ay pinayuhan ng ospital na ipagbigay-alam agad sa local government unit.

Ayon kay Mayor Tan, hindi ito inereport ni Patient 118 sa LGU hanggang sa lumabas ang report from IATF na Delta Variant ang tumama kay Patient 118 kung kaya’t agad na pinuntahan ng municipal health office July 24 ang bahay ni Patient 118 para sa contact tracing.

Muling isinailalim sa RT-PCR test si Patient 118 at muli itong nagpositibo gayundin ang anak nito na hinihinalang nahawa.

“Si Patient 118 ay kasalukuyan pa rin positibo sa Delta, hindi pa po sure kung Delta rin ang kaniyang anak na nahawa na rin niya. Pagpunta namin ay nakabukas pa rin ang Carinderia at saka nagta-tricycle pa rin yung isang anak,” ani Mayor Tan.

Ipinag-utos na rin ng alkalde ang household lockdown sa bahay ni Patient 118 para masiguro na hindi na kumalat pa ang virus kasabay ng pag-lockdown din sa isang Purok sa Barangay Buhol na Mangga matapos magpositibo ang 22 katao na magpapamilya.

Nabatid na mula sa 30 Covid-19 active cases ay umabot na sa 117 ang kaso sa nasabing bayan kung saan ayon sa alkalde ay nasa 9-10 mga bagong kaso ang naitatala araw-araw sa San Ildefonso kabilang na ang 5 nurse na nagpositibo rin.

“Mayroon po tayong panibagong surge sana po ay mas maging maingat tayo. Hopefully sana hindi na madagdagan and please huwag natin sila i-discriminate,” ani Tan.

Ipinatutupad na rin base sa Executive Order ang liquor ban sa nasabing bayan at ang mass gathering.

Samantala, ipinag-utos ni Gobernador Daniel Fernando sa Provincial Task Force (PTF) on COVID-19 ang higit na pinaigting na contact tracing at mahigpit na pagpapatupad ng Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate (PDITR) Strategy upang maiwasan ang lalong pagkalat ng mga kaso ng COVID lalo na ngayon na pumasok na sa lalawigan ang mas nakakahawang variant ng virus.

Ito ay makarang makapagtala ng tatlong kaso ng COVID Delta variant ang lalawigan ng Bulacan, isa sa San Ildefonso, isa sa Santa Maria, at isa sa Plaridel. Ayon sa gobernador, kasalukuyang sumasailalim pa sa quarantine ang mga ito at household lockdown para hindi na makapanghawa.Napagalaman pa na nasa 40 empleyado ng provincial capitol kabilang si PTF Response Cluster Head Dr. Hjordis Marushka Celis ang naka-isolate quarantine makaraang magkaroon ng close contact sa isang COVID-19 positive.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews