Dahil sa naitalang apat na kaso ng COVID-19 Delta variant at sa mabilis at patuloy na pagtaas ng mga kaso sa lalawigan ng Bulacan, pinaniniwalaan ng COVID Provincial Task Force na mga Delta variant na ang mga naitalang active cases sa nakalipas na 10 araw.
Kaya naman hihilingin ni Governor Daniel Fernando sa national government partikular na sa COVID-19 Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases Resolutions na isailalim ang probinsiya sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) with some restrictions o kaya ay Modified ECQ with hightened restrictions.
Sa isinagawang virtual meeting ng Bulacan COVID-19 Provincial Task Force nitong Huwebes, sa report ni PTF Response Cluster Head Dr. Hjordis Marushka Celis, apat na kaso na ng COVID-19 Delta variant sa lalawigan ang naitala at ito ay mula sa bayan ng San Ildefonso, Sta Maria, Plaridel at sa Lungsod ng San Jose Del Monte.
Ayon kay Celis, simula July 27 ay nagsimula nang tumaas ang Covid case sa probinsiya na mula sa 600 ay biglang tumaas at umabot na ngayon as of August 4 sa 2,291 active cases o 23% high kung saan 51% ay mga kababaihan at 49% ay kalalakihan.
Dahil dito, labis na nangamba si Gov. Fernando at nais nito na irekomenda ang lalawigan na isailalim sa ECQ o kaya naman ay MECQ kasama ang National Capital Region (NCR) at iba pang probinsiya na nasa mga nasabing quarantine category.
Nabatid na na nangunguna ang tatlong lungsod na mayroong pinakamataas na kaso ng Covid, ito ay ang Malolos City na mayroong 357 cases; City of San Jose Del Monte 232 cases; Meycauayan City 207 cases at sinundan ito ng bayan ng Guiguinto 195 cases; Calumpit 180 cases at Sta Maria 150 cases.
Ayon kay Celis, ang bayan ng Guiguinto ay nasa critical ng epidemic risk level kung saan 316% ang two-week growth rate at 8.5% per 100,000 population ang average daily attack rate na sinundan ng Malolos na nasa high risk level, 88% ang two-week growth rate, 7.5% ang daily attack rate.
Nabatid pa na ang Delta case sa Barangay Poblacion sa bayan ng San Ildefonso ay may isang nahawa at nagkaroon ng 2nd generation close contact kung saan 5 ang nagpositibo rin kaya naman isinailalim sa lockdown ang nasabing barangay habang sa Plaridel ay 3 naman ang naka-close contact na nagpositibo rin pero ang mga ito ay kasalukuyang nang naka-quarantine. Nananatili pa ring active case ang 2 sa 4 na positibo sa Delta variant at sumasailalim pa rin sa 14-day quarantine.
Sa nakalipas na 10 araw, ang pagtaas bigla ng mga kaso sa Bulacan ay ito ang pahayag ni Dr. Celis- “Ang nagiging assumption, isipin natin na Delta siya dahil sa mabilis na pagdami. So i-manage natin as Delta siya kahit wala pa evidence or genome sequencing test para ma-isolate natin at protektahan ang mga tao. Hindi man 100% pero higit na nakararami pa rin ang possibility na Delta”.
Ito rin ang paniniwala ni Gob Fernando kaya naman personal niyang hihilingin at irerekomenda na agad isailalim ang probinsiya “Dahil sa mabilis na pagtaas at napasok na nga tayo ng Delta ay in-assume na natin na ito ay Delta”.
Ayon naman kay Dr. Protacio Bajao, head ng Bulacan Infection Control Center (BICC), kailangan i-expect ang worse preparedness and prevention na isasagawa ng Covid PTF sa mga susunod na araw oras na mailagay na sa ECQ or MCQ ang lalawigan.
Sabi ng gobernador, kailangan maging over-reacted ang lahat pati ang mga LGUs ay higpitan na rin ang zoning containment para sa preventive measure kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng health standard protocols.
“We are taking immediate actions at inatasan na rin natin ang kapulisan at nagsasagawa na sila ng paghihigpit at stricter border control measures lalo na sa mga papasok at lalabas ng Bulacan-Metro Manila,” ani Fernando.
Kinausap na rin ng gobernador ang mga LGUs na makipag-coordinate sa provincial task force at huwag magkaniya-kaniya, kailangan aniyang sama sama sa paglaban upang mas maging epektibo ang krusada kontra Covid.
Umapela rin si Fernando sa mga Bulakenyo na magpabakuna para sa kanilang kaligtasan dahil importante umano ito para mas mababa ang risk ng dulot ng covid kasabay ng paghiling sa national government ng mabilisang pagpapadala ng bakuna.
As of August 4 ay umabot na sa 42,620 or 93% ang recovered case mula sa 45,860 confirmed cases habang 949 na ang nasawi kaugnay ng kaso ng Covid-19 sa nasabing lalawigan.