VICTORIA, Tarlac — Bukas na ang kauna-unahang Dairy Box sa Tarlac na matatagpuan sa bayan ng Victoria na siyang magsisilbing sentro ng merkado ng mga magsasakang manggagatas.
Ayon kay Mayor Christian Yap, idinisenyo ang naturang proyekto upang mapalakas ang mga small hold dairy farmers, at matulungan sila sa pagbebenta ng kanilang mga produkto.
Dagdag ni Yap, layunin din ng Dairy Box na maging tampok na destinasyon ng mga biyahero na magpapaangat sa turismo ng kanilang munisipalidad at ng probinsya ng Tarlac.
Magsisilbing one-stop-shop ang naturang tindahan para sa mga produkto ng Philippine Carabao Center o PCC, Mabulod Green Farm Producers Cooperative, Amia Cruz Agriculture Cooperative at Palayamanan Agriculture Cooperative.
Mabibili rito ang iba’t-ibang produkto mula sa gatas ng kalabaw gaya ng pastillas, polvoron, yogurt, chocomilk, pastuerized milk, lactojuice at soft ice cream.
Naipatayo ang tindahan sa ilalim ng proyektong Carabao-based Improvement Network at sa pagtutulungan ng PCC, Central Luzon State University at pamahalaang bayan.