Bago pa man ideklara ni Bataan Governor Abet Garcia na isasailalim niya ang buong lalawigan sa Enhanced Community Quarantine o ECQ (Agosto 8-22, 2021) namahagi na kaagad ng tig-dalawandaang sako ng bigas (25 kilos kada sako) sa bawat bayan sa Unang Distritong Bataan si Congresswoman Geraldine B. Roman.
Ito ay ang mga bayan ng Dinalupihan, Hermosa, Orani, Samal, Abucay at Morong.
Patunay aniya ito na bagamat nasa bansang Spain siya para sa kanyang maiksi pero “working vacation”, hindi umano siya nakakalimot para sa kapakanan ng kanyang mga kadistrito.
“From time to time tumatawag siya from Spain at palaging kinukumusta ang kanyang mga kadistrito kaya kahit nakabakasyon siya, working pa rin siya. Everyday may coordination kami,” pahayag ni Doc Boyet Castaneda sa isang interview sa bayan ng Abucay nitong Hueves.
Bukod sa regular na pagtanggap ng mga kliyente lalo na sa mga nangangailangan ng ibat’t ibang assistance o tulong sa kanyang district office sa bayan ng Orani, patuloy ang operasyon ng kanyang tanggapan sa pamamagitan ng kanyang organisado at episyenteng office staff sa liderato ni district manager Noli Soriano katuwang ang project coordinator na si Doc Boyet Castaneda.
Ayon kay Kabayang Noli at Doc Boyet, matapos makarating sa kaalaman ni Congresswoman Roman ang balita tungkol sa ECQ ay kaagad silang inatasan na bumili ng mga nabanggit na bigas at kaagad na ipamahagi ito.
Ayon pa kay Doc Boyet, ito ay bilang karagdagang tulong sa mga ipamimigay na ayuda o relief goods ng mga local government units sa pangunguna o inisyatiba ni Governor Garcia na nauna nang nangako rin ng tig-25 kilos na bigas na ipamamahagi sa lahat ng households sa 11 bayan at 1 syudad ng lalawigan.
Bukod pa sa mga naipamahagi sa mga LGUs ay pupuntahan din ng mga staff ni Congresswoman Roman ang lahat ng barangay sa Unang Distrito para sa karagdagan pang rice assistance.