Matapos ang dalawang taong pamemeste ng African Swine Fever (ASF) at pagkamatay ng mga baboy sanhi nito noong 2019 hanggang 2020, nakakakita na ng pag-asa ang may 7,000 na mga nag-aalalaga ng baboy sa Bulacan sa paglulunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan Swine Repopulation Project.
Sinabi ni Gobernador Daniel Fernando na nagsimula na ang Panlalawigang Tanggapan ng Paghahayupan ng pagsusuri sa kapaligiran at sampol ng tubig nitong Hunyo upang makita kung may ASF virus pa sa mga farm.
“Guided by the Bantay ASF sa Barangay or BABay ASF program, we need to control the spread of the disease and push for the rehabilitation of our local hog industry. Layunin nito na makatulong sa mga pig farmers na makabalik sa pag-aalaga ng baboy ng ligtas at magkaroon ng responsible repopulation para makaiwas muli sa outbreak,” ani Fernando.
Ayon sa datos ng PVO, 17 mga bayan kabilang ang Balagtas, Baliwag, Bulakan, Calumpit, Angat, Bocaue, Bustos, Guiguinto, Hagonoy, Pandi, Paombong, Plaridel, Pulilan, San Ildefonso, San Miguel, San Rafael at Lungsod ng Malolos ang lubhang naapektuhan kung saan 120,268 na baboy mula sa 40 commercial hog farms at 87,743 na baboy mula sa backyard farms ang pinatay.
“Noon nasa 100,000 na baboy kada buwan ang nabebenta natin, ngayon nasa more or less 10,000 na lang. Dati rin 50 porsyento ng pangangailangan ng karne sa Metro Manila tayo ang nagdadala kaya nakita nyo hindi talaga makapagbaba ng presyo ng baboy kasi hindi pa talaga tayo makapagproduce, dagdag ni Fernando.
Samantala, sinabi ni Dr. Voltaire Basinang, panlalawigang beterinaryo, na maaari nang mag-alaga muli ng baboy ang mga benepisyaryo ng programang sentinel na ayuda ng pamahalaan kung magnenegatibo sa ASF virus sa dalawang magkasunod na pagsusuri sa loob ng dalawang linggo na may isang linggong pagitan at pumasa sa biosecurity audit ang isang farm.
Bukod dito, patuloy din silang nagsasagawa ng seminar/forum at pamamahagi ng impormasyon, habang tuloy-tuloy din ang paglilinis at pagdidisinfect ng mga nagbababuyan.
Upang maging kwalipikado naman sa programang pautang, inirerekomenda ng tanggapan ng paghahayupan sa mga magbababoy na nasa loob ng red zone na hindi apektado ng ASF mula nang magkaroon ng outbreak, na sundin ang mga alituntuinin at magsagawa ng pagkuha ng sample ng dugo at swab sa mga natitirang baboy na kailangang gawin ng may pagitan ng dalawang linggo at pagsusuri sa paligid at tubig na kailangang gawin ng may pagitan ng isang linggo, at pagpasa sa biosecurity level 2 bilang pagtalima sa BABay ASF.Ayon pa kay Fernando, ilulunsad ang adopt a barangay project, na kolaborasyon mula sa iba’t ibang pribadong grupo at mga beterinaryo sa pangunguna ng Philippine Veterinary Drug Association (PVDA) at PVO kaugnay ng BABay ASF na layong pumili ng tatlong barangay sa Santa Maria mula sa pula hanggang rosas na zone sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng biosecurity sa mga kulungan ng baboy, pagtuturo sa mga magbababoy sa pamamagitan ng mga pagsasanay at pakikilahok at pakikipagtulungan ng mga stakehoder, maliit man o malaking babuyan.
Ayon sa World Organization for Animal Health (OIE), lubhang nakakahawa ang African Swine Fever (ASF) sa domestic at wild pigs na dulot ng “malaking DNA virus ng Asfarviridae family.” Sa kasalukuyan, wala pa ring bakuna laban sa ASF.