LUNGSOD NG MALOLOS — Target makalikom ng hanggang sa 37 libong bags ng dugo ang bagong gusali ng Bulacan Provincial Blood Center.
Sinabi ni Evelyn Villanueva, medical technologist sa Bulacan Provincial Blood Center, katumbas ito ng isang porsyento ng 3.7 milyong populasyon ng lalawigan na siyang pamantayan upang makatugon sa mga pangangailangan na masalinan ng dugo.
Malaking hamon aniya ang pandemya ng COVID-19 upang makapaglikom ng sapat na suplay.
Ngayong pinaghahandaan ang pormal na pagbubukas ng bagong Blood Center, kinakailangang sabayan ito ng unti-unting paglikom ng dugo sa pamamagitan ng mga malulusog na indibidwal na may kusang loob na magbigay.
Partikular sa mga pinaka nangangailangan na agarang masalinan ng dugo ay ang mga pasyenteng isinasailalim sa dialysis, tinamaan ng sakit na dengue, ibang may maselan na panganganak at mga nasasangkot sa matitinding aksidente.
Ang bagong pasilidad ng Bulacan Provincial Blood Center ay paglalagyan ng dalawang Blood Bank Refrigerators. Kaya nitong maglulan ng mahigit 100 bags ng dugo. Bawat araw, nasa 50 bags ng dugo ang kayang maipoproseso sa sinumang nangangailangan nito basta’t may suplay.
Sa loob ng isang taon, kinakailangang nasa 37 libong bags ng dugo ang maisuplay sa iba’t ibang pangangailangan.
Kaya’t upang matiyak na makakatugon ang Bulacan Provincial Blood Center, sinumang indibidwal na kwalipikado na nais magbigay ng sariling dugo ay maaaring magsadya sa Out-Patient Department ng Bulacan Medical Center.
May sarili itong pasukan na hindi makakasabay ang mga pasyenteng may COVID-19. Maaaring makipag-ugnayan sa numerong 0921-551-5422 at hanapin sina Dra. Ana Lim o si Villanueva.
Kaugnay nito, pansamantalang hindi pinapayagang magbigay ng sariling dugo ang mga buntis, may acute fever, nakainom ng inuming nakakalasing sa nakalipas na mga araw, bagong patato at may bagong opera.
Sa kabilang banda, hindi pinapayagan na magbigay ng dugo ang mga may sakit na cancer, cardiac disease, malalang tuberculosis, Hepatitis B at C, may HIV-AIDS, nakaranas ng biglaang pagbaba ng timbang sa limang kilo, palaging nalalasing at iba pang malalalang sakit.
Bukod sa makakapagdugtong ng buhay ng iba, maraming personal na benepisyo ang taong magkakaloob ng sariling dugo.
Mapapababa nito ang cholesterol, mapapanatili ang tamang timbang, makakalikha ng mga panibagong blood cells ang katawan at mapapababa ang risk na magkaroon ng cancer, sakit sa puso at atay.
Sinabi ni Gobernador Daniel Fernando na target buksan ang bagong dalawang palapag na Bulacan Provincial Blood Center bago matapos ang 2021. Kaya’t pinamamadali na ang pagkakabit ng linya ng kuryente at iba pang logistics requirements.
Itinayo ito sa likuran ng Bulacan Medical Center at katabi ng itatayong Medical Oxygen Plant.
May halagang 15.9 milyong piso ang ginugol dito ng pamahalaang panlalawigan. Dito rin ang magiging bagong tanggapan ng Provincial Health Office.
Aayusin na ang magiging bagong daan na ikakabit sa Guinhawa-Mojon Diversion Road upang makarating sa bagong Bulacan Blood Center building at sa magiging Medical Oxygen Plant.