LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Tuluy na tuloy na ang pagtatayo ng Medical Oxygen Plant sa Bulacan ngayong naglaan na ng 100 milyong piso ang Kapitolyo para rito.
Ayon kay Provincial Engineer Glenn Reyes, itatayo ito sa likuran ng Bulacan Medical Center o BMC kung saan magiging daaanan o access ang Guinhawa-Mojon Diversion Road sa Malolos. Makakatabi rin nito ang bagong tayong gusali ng Bulacan Provincial Blood Center.
May laking 412.96 square meters ang itatayong planta na ididisenyo upang makagawa ng 424 cylinder o mga medical oxygen tanks kada araw.
Kaya naman nagtatawag na ang Provincial Engineering Office ng mga kwalipikadong kontratista para lumahok sa gaganaping pagsusubasta ng proyekto ngayong third quarter ng 2021.
Ang makukuha at maaprubahang kontratista ay siyang magsasagawa ng disenyo at magtatayo ng Medical Oxygen Plant
Base sa isinagawang feasibility study, sinabi ni Randy Po ng Provincial Planning and Development Office na taong 2019 pa binalak ng Kapitolyo na maitayo ang nasabing planta ngunit nabalam lalo na nang tumama ang pandemya ng COVID-19.
Noong wala pang pandemya, nasa 120 cylinder kada araw ang konsumo sa medical oxygen sa BMC.
Ngayong nasa kasagsagan ng pandemya, inilahad ni BMC Chief Hjordis Marushka Celis
na pumapalo sa dalawang libong tangke o cylinder ng medical oxygen ang nakokonsumo kada araw sa naturang ospital at sa Bulacan Infectious Control Center.
Bawat isang tangke ay nakokonsumo ng isang pasyente sa loob ng dalawa hanggang tatlong oras.
Sa kasalukuyan, mayroong 200 beds ang BMC na ngayo’y ekslusibo muna para sa mga pasyenteng may COVID-19.
Iba pa rito ang 75 hanggang 100 beds para sa may nasabing sakit na nasa Pediatric Intensive Care Unit, Neonatal Intensive Care Unit, Operating Room, Surgery, Labor Room at Delivery Room, Emergency Room at pati sa Triage.
Nakatakda pa aniyang madagdagan ng 100 beds ang BMC.