Dahil sa patuloy na pagtaas at paglobo ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Bulacan, humiling na ng karagdagang mga medical staff si Governor Daniel Fernando sa Department of Health (DOH), Department of Education (DepED) at maging sa Philippine National Police (PNP) upang magamit na ang mga pasilidad sa Bulacan Medical Center (BMC) para sa mga pasyente.
Sinabi ni Provincial Task Force Response Cluster Head Dr. Hjordis Marushka Celis at head ng BMC, inaasahang darating ang mga hininging reinforcement na medical staffs tulad ng mga doktor at nurse mula sa mga nabanggit na ahensiya sa susunod na linggo o bago matapos ang buwan ng Agosto.
Ito ay bunsod na rin at bilang tugon sa tanong ni Vice Governor Willy Alvarado kung bakit bakante ang may 200 beds ng BMC at hindi tumatanggap ng Covid patient gayung ito ay idineklarang Covid Center kasama ang Bulacan Infectious Control Center (BICC), sinabi ni Dr. Celis na dahilan nga rito ay ang walang medical staff na titingin sa pasyente.
“Paano po natin bubuksan ang BMC at pagagamit ang mga pasilidad eh wala nga po tayong mga sobrang mga doktor at nurse, sino po ang titingin sa kanila, kaya nga po tayo humihingi ng tulong ngayon. May anunsyo na rin tayo na tumatanggap na tayo ng mga aplikanteng nurse kahit hindi board passer para lang makatulong sa ating mga public hospitals,” ayon kay Fernando.
Paliwanag naman ni Celis kung bakit naman naka-padlock ang isang bahagi ng nasabing pagamutan ay dahil nga sa wala naman pasyente at iniiwasan ang mga bantay ng pasyente mula sa BICC na katabi lamang na gusali ng BMC na gumala-gala rito at upang matiyak at mapanatili ang kalinisan ng nasabing pasilidad.
Nabatid na kapos na kapos sa mga doktor at nurse ang lalawigan ng Bulacan dahil ang ibang nakatalaga sa BMC at BICC ay nagre-resign umano at natatakot para sa kanilang pamilya na mahawa sa nasabing infectious disease.
Sakaling dumating ang hiniling na karagdagang medical staff, ang mga ito ay ipapalit sa mga medical staff na nasa vaccination center at ibabalik sa mga district habang ang mga nasa district na galing sa BMC ang siya naman ibabalik at itatalaga para sa mga covid patient sa BMC at BICC.
Kaugnay naman ng mungkahi ni Alvarado na bumili na lamang ang pamahalaang panlalawigan ng bakuna dahil may sapat naman aniyang pondo, sagot dito ni Gov Fernando- “Ilan beses ko bang ipapaliwanag yan sa kaniya na ang tagubilin ng National IATF ay huwag nang mag-procure ng bakuna at gayundin naman dahil wala ring supply na dumarating. Private man o government ay madalang pareho ang dating ng mga bakuna at payo ni Secretary Galvez ay gamitin na lamang sa iba ang pondo.”
Pahayag pa ng gobernador, huwag nang magbigay o magpalabas ng mga impormasyong hindi naman aniya makakatulong sa kinakaharap na health crisis, nagbibigay lamang ito aniya ng kalituhan sa taumbayan.
Sa panahon aniyang ganito ayon pa sa gobernador ay isantabi muna ang pamumulitika at ang nararapat aniya ay magtulungan, magkaisa para masugpo ang virus para makabangon muli mula sa pagkakalugmok.
“Kung concern talaga siya, sana ay tinawagan na lang niya ako at pag-usapan kung ano ang magandang hakbangin para masolusyunan ang pakikipaglaban natin sa Covid, hindi yung pupunahin ka sa social media sa sitwasyon na hindi naman niya naiintindihan dahil hindi naman siya doktor. Sino ngayon ang namumulitika?” pahayag ng gobernador.
Paliwanag pa ni Dr. Celis, ang mga pasyente na nasa triage ay hindi maaaring ipasok sa BICC o BMC dahil hindi pa sila kumpirmado o Covid positive alinsunod sa Covid Surge Capacity Plan ng pamahalaang panlalawigan.