Unang Train-set ng NSCR Phase 1, dadating na sa Disyembre 2021

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan –Tapos nang ma-assemble o mabuo sa Japan ang unang mga bagon ng tren para sa North-South Commuter Railway (NSCR) Project Phase 1.

Ayon kay Department of Transportation (DOTR) Assistant Secretary Goddes Hope Libiran, nakatakdang dumating sa bansa ang unang train-set sa Disyembre 2021. Igagarahe ito sa magiging depot ng NSCR Phase 1 na nasa hangganan ng Meycauayan, Bulacan at Valenzuela City.

Kapag dumating na ang nasabing train-set, agad na sisimulan ang testing bilang paghahanda sa partial operability na target sa 2022.

Ito ang loob ng magiging tren ng North-South Commuter Railway (NSCR) Project Phase 1. Kasya rito ang 45 hanggang 54 na mga pasaherong nakaupo at nasa 300 ang uubrang sumakay nang nakatayo. (Department of Transportation)

Magkakaroon ng kabuuang 13 train-sets ang NSCR Phase 1 o katumbas ng 104 mga bagon. Bawat isang train-set ay may mga walong bagon na magkakadugtong.

Harapan ang mga upuan nito na kayang maglulan ng 45 hanggang 54 katao na nakaupo, at mga nasa 300 katao na nakatayo sa bawat bagon. Yari sa lightweight stainless steel ang bawat bagon na may bigat na 270 metro tonelada. May taas itong 13 na talampakan at pitong pulgada na may lapad na 2,950 millimeters.

Ito ang aktuwal na mga tren na bibiyahe sa 38 kilometrong ruta ng NSCR Phase 1 mula sa Tutuban hanggang sa Malolos. Pagpasok ng taong 2022, sunud-sunod nang magsisidating sa depot ng NSCR Phase 1 ang 12 pang mga train-sets.

May halagang P12 bilyon ang naturang mga bagon ng tren na ginawa ng Sumitomo Corporation at Japan Transport Engineering Corporation (J-TREC).

Bahagi ito ng kabuuang P106 bilyon halaga ng proyektong NSCR Phase 1, kung saan P93 bilyon ang mula sa Official Development Assistance ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at P13 bilyon mula sa sariling pondo ng Pilipinas.

Kaugnay nito, sa mga taong 2024 hanggang 2025 naman dadating ang mga 56 train-sets para sa NSCR Phase 2 o ang Malolos-Clark segment.

Samantala, sinumang nais maging bahagi ng operasyon ng mga linya ng tren na ipinapagawa ng DOTR, partikular na ang pagpapaandar ng mga magiging tren ng NSCR, Metro Manila Subway, PNR South Long Haul at LRT Cavite Extension, ay magsumite ng aplikasyon sa Philippine Railways Institute (PRI). 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews