Upang maisulong ang preserbasyon ng pamana ng Bulacan, magsasagawa ang Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office ng dalawang araw na “Seminar-Workshop on Protecting Heritage Churches in Bulacan” sa Setyembre 13 at 14, 2021 at “Pambansang Kumperensya sa Bulacan” sa Setyembre 13-15, 2021 na tatalakay sa ‘Ang Pagtatagpo ng Kabihasnan at Sibilisasyon’, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Singkaban Festival 2021.
Kabilang sa mga tatalakayin ang ‘Conserving Beauty and Theology in Heritage Churches; Five External Environments of Historic Preservation and the Process of Architectural Restoration; Visions of Heaven, In Full Circle: Project Kisame after 8 Years; at Conservation and Maintenance of Heritage’.
Sa gagawing seminar, magkakaroon din ng panonood ng pelikula hinggil sa mga simbahan sa Bulacan, pagsasanay at malayang talakayan.
Magmumula sa National Historical Commission of the Philippines, Grupo Kalinangan Inc., Committee for the Cultural Heritage of the Church at The Order of Augustinian Recollects ang mga magiging tagapagsalita.
Hinikayat naman ni Gobernador Daniel Fernando ang mga Bulakenyo na tumutok at makilahok sa programa sa pamamagitan ng Facebook page ng PHACTO na https://www.facebook.com/PhactoBHH upang matuto tungkol sa mayamang kasaysayan ng lalawigan.
“Ang lahat ng tungkol sa kasaysayan ay ating kayamanan. Ito’y bahagi ng kung ano tayo ngayon. At ang bawat ngayon natin ay isinusulat din sa kasaysayan na siyang babalikan naman ng mga nasa hinaharap. Kaya, sama-sama tayong sumulat, sama-sama tayong gumawa ng kasaysayang pakikinabangan at kapupulutan ng aral hindi lang ngayon, kundi maging hanggang sa mga susunod na panahon,” ani Fernando.
Samantala, itatampok naman sa tatlong araw na Pambansang Kumperensya sa Bulacan ang ‘Ang Sierra Madre Archeological Complex’, ‘Yerbas Remedios para Enfermedades’ at ‘Ang Taklan at Katutubong Teknolohiya’ para sa unang sesyon.
Sa ikalawang sesyon ay tatalakayin ang ‘Parokya Pueblo sa Laguna Noong Ika-16 na Dantaon’, “Batis sa Kasaysayan ng Bulacan’ at ‘Paggamit ng Batis sa Pamamaraang Online’.
Sa ikatlo at huling araw, ilulunsad ang kursong paleyograpiya o pag-aaral ng sinaunang sistema ng pagsulat. Ilalahad ng mga tagapagsalita ang ‘Ang mga Dokumentong Calderon Enriquez tungkol sa Pag-aalsang Tagalog, 1745’ and ‘Introduksyon sa Teknik ng Paleograpiya’.Bukod dito, magkakaroon din ng malayang talakayan patungkol sa Restorations of Heritage Structures pagkatapos ng kursong paleyograpiya.