Ibinigay bilang donasyon sa koleksyon ng Hiyas ng Bulacan Museum ni Gobernador Daniel Fernando ang 19th century model ng John Sherwin Letter Press na ginamit noon ng Bulacan Military Area (BMA) sa pamumuno ni Hen. Alejo S. Santos upang mag-imprenta ng mga propaganda war materials.
Bahagi na ngayon ang makinang palimbagan ng papel kasama ang ilang dokumento na inimprenta dito, glass case, at iba pang kagamitan na nagkakahalaga ng P200,000 na ibinigay ng gobernador at dating pagmamay-ari ng Pamilya Crisostomo ng Malolos sa permanenteng exhibit sa Hiyas ng Bulacan Museum. Makikita rin ito sa Museum Memorabilia Exhibit sa Hiyas ng Bulacan Cultural Center hanggang Setyembre 15, 2021 bilang bahagi ng isang linggong pagdiriwang ng Singkaban Festival 2021 na may temang “Paglingon. Paghilom. Pagbangon.”
Ayon kay Fernando, sina Lt. Mabini, Rey Centeno, Saturnino Bauto, at Sixto Sablay ang mga naatasan na manguna sa pag-iimprenta ng mga dyaryo at iba pang babasahin na ipinapamahagi sa mga lumalabang sundalo upang mapalakas ang kanilang moral.
“Malaki ang ginampanan ng makinang ito, maging ang inimprenta nito sa kasaysayan. Naging mahirap man para sa Pamilya Crisostomo sapagkat malapit lamang ang kanilang tahanan sa himpilan ng mga Hapones, nagtagumpay pa rin sila sa kanilang pag-iimprenta sa pamamagitan ng pagsasabit ng bandila ng Hapones at litrato ni Emperor Hirorito sa kanilang tahanan na naging daan upang hindi sila pagsuspetsyahan,” anang gobernador.Maaari rin bisitahin ang iba pang exhibit sa Hiyas ng Bulacan Cultural Center kabilang ang SINEliksik Bulacan Poster Bayaning Bulakenyo Series, Bulacan Festival Costume Expo, Singkaban ng Bayan Miniature Arc Making Exhibit, at Singkaban Bulakenyo Art Exhibit.