Nasa 120 Micro Small and Medium Enterprises (MSME) sa Bulacan ang tumanggap kamakailan ng livelihood kits mula sa Department of Trade and Industry (DTI).
Ang mga tumanggap ay mga benepisyaryo sa ilalim ng DTI’s Livelihood Seeding Program-Negosyo Serbisyo sa Barangay o LSP-NSB kung saan ang bawat isa ay tumanggap ng walong libong pisong halaga ng kit na pandagdag puhunan at panbawi sa negosyo.
Ayon kay DTI Provincial Director Edna Dizon, kabilang sa mga ipinagkaloob nila ang sari-sari store package, eatery package, bigasan package at frozen food package.
Paliwanag ni Dizon, layunin ng LSP-NSB na tulungan ang mga MSMEs na lubhang naapektuhan ng mga natural at human-induced calamities at pandemya.
Hangad din nito na bigyan ng ayuda ang mga residente ng mga lugar na apektado ng insurhensya.
Sa batch na ito, ang mga benepisyaryo ay mula sa barangay Sapang Bayan at San Miguel sa Calumpit, barangay Sto. Rosario sa lungsod ng Malolos, barangay Banaban sa Angat, barangay San Mateo sa Norzagaray, barangay Tabe sa Guiguinto, barangay Pandayan sa lungsod ng Meycauayan, at barangay Gaya-Gaya sa lungsod ng San Jose Del Monte.
Ang iba ay mula barangay Pagala sa Baliwag, barangay Bunsuran 2nd sa Pandi, barangay Ulingao sa San Rafael, barangay Lalakhan sa Santa Maria, barangay Dulong Malabon sa Pulilan, barangay Parulan sa Plaridel, barangay Tanawan sa Bustos, barangay Lias sa Marilao, at barangay Taal sa Bocaue.