Bulacan top bets, TV actors nag-file ng COC

Kaniya-kaniya ng paghain ng certificate of candidacy (COC) ang mga tinaguriang top bets ng lalawigan ng Bulacan kabilang na rito ang mga sikat na artista noon at ngayon sa pelikula at telebisyon para sa 2022 national and local elections.

Umagang-umaga bandang alas-7:00 nitong Huwebes nang magsimba muna sa Malolos Cathedral ang television/ movie actor at re-electionist na si Governor Daniel Fernando bago nito tinungo kasama ang buong provincial slate ng partido National Unity Party (NUP)  ang temporary diverted office ng Provincial Commission on Election (COMELEC) sa Provincial Capitol Gymnassium sa Lungsod ng Malolos.

Bagamat mahigpit sa pagpapairal ng minimum health standard protocol ay dumagsa pa rin sa capitol grounds ang mga supporters ni Fernando ngunit mahigpit sa pagbabantay ang mga kapulisan at capitol security personnel upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa IATF guidelines.

Kasama ng gobernador na naghain din ng COC ay ang kaniyang napiling running mate na si incumbent board member na si Bokal Alex Castro na isa ring artista at nakasama ni Fernando sa  ABS-CBN television network. 

Nais naman maglingkod sa kapitolyo bilang Board Members si Ricky Roque mula sa bayan ng Pandi; Rolando Galura o kilala bilang si “Dan Alvaro”, isang sikat na action star noong dekada 80′ at 90′ para sa Fifth District ng Bulacan.

Nag-file rin ng COC ang komedyanteng si Long Mejia na nakilala sa sitcom na “Ober Da Bakod” ni comedy king Dolphy na nagnanais maglingkod sa Unang Distrito ng Bulacan bilang bokal.

Makakatunggali ng Fernando-Castro tandem sina incumbent vice governor Willy Alvarado sa pagka-gobernador at si former governor Jonjon Mendoza para naman bise-gobernador.

Susubukan muling makabalik sa pagka-alkalde matapos ang mahigit apat na taong pamamahinga sa pulitika ang three termer na si Mayor Jon-Jon Villanueva nang mamatay ang kapatid nito na si Mayor Joni Villanueva-Tugna sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic.

Si Mayor JJV ay naghain ng kandidatura nitong Huwebes sa ilalim ng NUP kasama ang kaniyang bayaw na magiging running-mate nito na asawa ng yumaong alkalde at nagsilbi bilang kongresista sa CIBAC Party List na si Congressman Sherwin Tugna.

Sa kabila ng pagdadalamhati sa maagang pagyao ni Mayor Joni ay hindi nakatanggi si Tugna na tanggapin ang hamon na mapagpatuloy ang naiwang legasiya at mga pangarap sa bayan ng Bocaue ng kaniyang asawa kaya’t nagpasya ito tumakbo bilang bise-alkalde.

Sa ilalim pa rin ng partido NUP ay re-elect din ang target nina Pandi Mayor Rico Roque at ang running-mate nito na si Vice Mayor Lui Sebastian na nauna nang nagsumite ng kanilang COC kasama ang buong municipal slate nito.

Magugunita na si Roque lamang sa buong Bulacan ang nakapagpatupad ng 11th wave ng ayuda sa bayan ng Pandi para sa may 44,000 residente na naapektuhan ng pandemiya simula 2020.

Nito ring araw ng Huwebes nang sinamahan ng kaniyang mga taga-suporta si reelectionist Maria Rosario “Maritz” Ochoa-Montejo ng Pulilan, Bulacan sa kaniyang pagnanais na muling mahalal bilang punong bayan nang magsumite ito ng kaniyang certificate of candidacy.

Si Vice Mayor Patrick Meneses ay nagnanais ding makabalik bilang mayor para sa mas masigla at maunlad na bayan ng Bulakan na titingalain hindi lang sa buong bansa kundi maging sa buong mundo dahil sa nakatakdang pagtatayo ng world class international airport dito. Makakasama nito sa partido NUP si Konsehal Oya Mendoza na hangad naman ang ikalawang pinakamataas na posisyon bilang Bise Alkalde.

Si incumbent San Ildefonso Mayor Carla Galvez-Tan ang ninanais naman ng taumbayan na muling manungkulan bilang punong-bayan kaya sabay-sabay din itong naghain ng COC ang kaniyang buong municipal slate nitong Miyerkules.

Ang mga alkaldeng ito ay halos pare-pareho ang priority projects sakaling sila ay mahalal ay ang pagnanais na matutukan ang kasalukuyang hinaharap na health crisis at matuldukan na ang pandemiya.

Inaasahang marami pang mga aspirante ang maghahain ng kanilang kandidatura sa huling araw ng filing ng candidacy na matatapos  hanggang Oktubre 8.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews