Nagsagawa ng Convergence and Community Consultation sa mga katutubong Aeta sa Zambales ang Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict o RTF-ELCAC.
Layunin nito na alamin at tugunan ang kanilang mga alalahanin sa mga isyung pangkapayapaan at pangkaunlaran.
Ayon kay RTF-ELCAC Situational Awareness and Knowledge Management Cluster Head at National Intelligence Coordinating Agency Regional Director Maria Luisa De Guzman, hangad nila na mapalakas ang Aeta Community sa pamamagitan ng Whole-of-Nation Approach upang matuldukan ang insurhensya.
Dagdag pa niya, isa rin itong paraan upang maipalam sa mga katutubo ang mga programang hatid ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno na maaari nilang mapakinabangan.
Kabilang na riyan ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng Department of the Interior and Local Government, libreng pasasanay na hatid ng Technical Education and Skills Development Authority, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers na handog ng Department of Labor and Employment, at pagpapahiram ng puhunan sa mga nais magsimula ng kanilang negosyo mula sa Department of Trade and Industry.
Kabilang sa mga dumalo sa aktibidad ang mga katutubo na dating miyembro at taga suporta ng Central Luzon Aeta Association at mga community leaders at advocacy groups mula sa mga bayan ng Castillejos at San Felipe.
Nagsilbing highlight ng aktibidad ang panunumpa ng mga katutubo na susuporta sa ELCAC at pagsunog sa watawat ng Communist Party of the Philippines. (CLJD/RGP-PIA3)