BULACAN- Pormal nang binuksan sa publiko ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang katatapos lamang ng replacement project ng Binang-Poblacion Bridge kung saan pinangunahan ni Senator Joel Villanueva ang isinagawang blessing at inauguration ng nasabing tulay nitong Miyerkules sa Bocaue, Bulacan.
Ayon kay Bulacan First District Engineering Office district engineer Henry Alcanatara, umabot sa kabuuang P78.4 milyon ang ginugol na pondo sa naturang proyekto na pinondohan ni Sen. Villanueva buhat sa Department of Budget and Management (DBM) under General Appropriation Act (GAA).
Nabatid na ang nasabing proyekto ay bahagi ng legasiya ng kapatid ng senador na noo’y nabubuhay pa na si Bocaue Mayor Joni Villanueva na pumanaw nang kasagsagan ng Covid-19 pandemic taong 2020.
Ayon sa senador, hindi maisasakatuparan ang pagpapagawa ng nabanggit na tulay kung hindi sa inisyatibo ni Mayor Joni.
“Ang proyektong ito ay isa lamang sa pangarap ni Mayor Joni para sa mga Bocaueno kaya naman iniaalay namin ang makasaysayang araw na ito para sa kaniya. Para sa akin, tatawagin ko itong “Mayor Joni Villanueva Bridge,” wika ng senador.
Kasama rin sa pagpapasinaya ng tulay ang kapatid ni Mayor Joni na si former mayor Jon-Jon “JJV” Villanueva na tatakbong alkalde at Atty. Sherwin Tugna, asawa ng yumaong alkalde na tatakbo namang vice-mayor na sinaksihan din ng buong Team Solid.
Kabilang sa proyekto ayon kay DE Alcantara ay ang replacement ng buong tulay na may halagang P68.8 milyon at karagdagang elevated view deck na pinondohan naman ng P9.5 milyon.