62.10% ng MRT-7 construction naisagawa na

Tuluy-tuloy ang ginagawang konstruksiyon ng Metro Rail Transit (MRT) Line 7 na may overall progress rate na 62.10%, ayon kay Department of Transportation (DOTr) Asec. Goddes Hope Libiran.

Naitayo na ang mga istraktura sa 22-kilometrong ruta ng MRT-7 mula sa lungsod ng San Jose Del Monte hanggang sa ginagawang Unified Grand Central Station sa North Avenue, Quezon City.

Dito makakasalubong ng mga tren ng MRT 7 ang mga tren ng MRT Line 3 at Light Rail Transit (LRT) Line 1, kung saan mas magiging maginhawa, mabilis at madali ang paglipat ng mga pasahero ng tren base sa kanilang destinasyon.

Target ng DOTr na magkaroon ng partial operation ang MRT 7 sa huling bahagi nitong taong 2022. Dumating kamakailan sa bansa ang unang batch ng 36 train sets para sa MRT 7 na pawang mga brandnew mula sa South Korea.

Binigyang diin ni Asec. Libiran na patunay ang mga detalyeng ito na isa nang katuparan ang MRT 7 na taong 2001 pa kinonsepto. Matatandaan na inaprubahan ng administrasyon ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang proyekto noong taong 2008.

Sa nasabing panahon, ipinagkaloob ang konsesyon upang mamuhunan, magtayo at magpatakbo sa operasyon ng MRT 7 sa San Miguel Corporation.

Ipinaliwanag pa niya na pagpasok ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, inilunsad ang Build-Build-Build Infrastructure Program upang tapusin ang mga hindi matapos, simulan ang mga hindi masimulan at umisip pa ng mga bagong imprastraktura na dapat maisakatuparan.

Ito ang nagbunsod upang maresolba ang lahat ng usapin sa right-of-way, kaya’t tuluyan nang nagsimula ang aktuwal na konstruksiyon ng MRT 7 noong Agosto 2016.

Kasabay nito, nasimulan na rin ang manufacturing ng 108 na mga bagon para sa 36 na train sets. Bawat isang train set ay may tatlong bagon na magkakarugtong.

Idinisenyo ang mga bagon ng tren na ito upang makapaglulan ng nasa 300 libong pasahero kada taon. Uubra ring umabot sa 850 libong mga pasahero ang maisasakay sa ika-12 taon ng operasyon.

Inaasahang sa pagsisimula ng partial operation nito, ang dating biyahe mula sa San Jose Del Monte hanggang sa North Avenue sa Quezon City na dalawa hanggang tatlong oras, ay mapapabilis sa 30 minuto na lamang. Target sa taong 2023 ang full operation ng MRT 7.

Samantala, tiniyak ni San Jose Del Monte Mayor Arthur Robes na patuloy ang ginagawang paghahanda ng pamahalaang lungsod sa nalalapit na operasyon ng MRT 7. Kabilang dito ang pagpapaluwag ng mga lansangan at mga bangketa sa buong kalungsuran.

Pinaghahandaan din ang pagtatayo ng isang intermodal terminal malapit sa magiging San Jose Del Monte station ng MRT 7 sa Tungkong Mangga, upang maging madali sa mga pasahero ang paglipat mula dyip, bus at sa tren o vice versa. (SFV/PIA-3/BULACAN)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews