Handa nang i-turn over ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang bagong 16-bed isolation facility sa pamahalaang lungsod ng San Jose.
Ayon kay DPWH Nueva Ecija 1st OIC-District Engineer Armando Manabat, inaasahang makatutulong ito sa healthcare facilities na mayroon ang siyudad lalo na ngayong nadaragdagan ang bilang ng mga naitatalang nagkakasakit ng COVID-19.
Kanyang pinangasiwaan mismo ang isinagawang inspeksyon sa bagong pasilidad na matatagpuan sa barangay Sto. Niño 3rd na nakatakdang mailipat sa pangangasiwa ngayong buwan.
Ang bawat kwarto ng isolation facility ay mayroong mechanical bed, table, airconditioning unit, at sariling toilet o bath amenities.
Maliban sa mga isolation room ay mayroon din itong dalawang quarters para sa male at female healthcare workers.
Pati na nursing station, electrical o stock room at pump o generator room.