Bigyang halaga at irespeto ang karapatang bumoto sa halalan.
Ayon kay Nueva Ecija Provincial Election Supervisor Fernando Cot-om, sa halalan may pagkakapantay-pantay ang mga mamamayan, may pagkakaiba man sa antas ng pamumuhay ay parehas ang karapatan sa pagpili ng mga lider na nais iluklok sa pwesto.
Pahalagahan aniya ang pagboto na maaaring makapagpabago sa resulta ng halalan.
Kaniya ding ipinahayag na importante ang pagdaraos ng eleksiyon kahit ngayong nasa gitna ng pandemiya na nakatulong pa upang mas makilala ang mga totoong lider na may puso at kakayahang mamuno.
Ayon pa kay Cot-om, kailangan ang suporta ng bawat isa upang maingatan ang kalusugan at matiyak ang kaligtasan ng lahat sa pagdaraos ng halalan.
Kung ang bawat isa aniya ay kikilos at mag-iisip nang naaayon sa mga ipinatutupad na patakaran ay magiging ligtas ang gagawing eleksiyon.
Ang kaniyang paalala sa lahat lalo na sa mga bago pa lamang na boboto ay maging matalino sa pagpili, ngayon pa lamang ay siyasatin na ang mga personalidad na karapatdapat ihalal.
Huwag sayangin ang pagkakataong makapamili mula sa mga nagnanais na makaupo sa pwesto.
Maaari aniyang ihalal ang mga dati nang nakaupo kung kuntento sa kanilang mga nagawa at kung sa sariling opinyon ay hindi nasiyahan sa dating namumuno ay ito na ang pagkakataon para mag-iba ng ihahalal. (CLJD/CCN-PIA 3)