Kamakailan ay opisyal nang nakapagtapos ang mga scholar-beneficiaries ng kursong Dressmaking NCII sa ilalim ng Special Training for Employment Program (STEP) ng TESDA sa Orani, Bataan.
Ayon kay Bataan 1st District Representative Geraldine B. Roman, sa tulong ng kanyang tanggapan ay 17 beneficiaries ang sumailalim sa intensive training sa loob ng 34 araw sa Advanced Institute of Technology.
Ang bawat isa sa kanila ay nakatanggap ng toolkit na naglalaman ng portable sewing machine at iba pang mga kagamitan sa pananahi.
Kasama sa isinagawang simpleng graduating ceremony si TESDA Provincial Director Ava Dela Torre.
“Marami sa ating mga beneficiaries ang nag-umpisa na sa kani-kanilang mga sariling business at excited na nga akong makita silang kumita. Sana po ay makatulong ang ating training programs lalo na ngayong pandemya,” masayang pahayag ni Congresswoman Roman sa kanyang Facebook Page.
Ang STEP ay programa ng TESDA para sa mga mamamayan na nagnanais magkaroon ng skills na magagamit sa pagnenegosyo o sariling hanapbuhay. Qualified dito ang mga nasa edad na hindi bababa sa labinlimang taong gulang sa simula ng training program, Filipino citizen, na sasailalim sa libreng training at assessment, libreng entrepreneurship training at pagkakalooban ng libreng starter tool kits pagkatapos ng short-term course.