Residente ng Hermosa naghain ng petisyon laban sa ARBs

Inihain ng mga residente ng Brgy. Sumalo ang isang 243-pahinang petisyon sa Department of Agrarian Reform (DAR) na humihiling na ipawalambisa ang masterlist ng agrarian reform beneficiaries o ARBs at itigil ang anumang aksyon sa pinagtatalunang lupa sa Brgy. Sumalo, Hermosa, Bataan hangga’t hindi nalulutas ang kaso ng agrarian law implementation na isinampa nila.

Inisa-isa ng mga residente sa pangunguna nina Alona Apable ng KABISIGKA-Sumalo at Ronnie Camiling ng Utol ng Sumalo ang kanilang mga batayan sa pagsasampa ng petisyon.

Sinabi ng grupo ng punung-puno ng iregularidad at paglabag sa RA 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP.

“Ang mismong masterlist ay malinaw na katibayan, ” ayon kay Alona Apable.

Sinabi ng grupo na 75% ng mga nasa ARB Master List ay may sapat na batayan para ma disqualify sila, 20% sa kanila ay hindi mga taga Sumalo kabilang ang isang barangay kapitan na taga ibang barangay ng Hermosa.

“Ipinapawalang bisa namin ang masterlist ng ARBs ng DAR. Kung mangangahulugan ito ng tuluyang pagpapatigil ng CARP coverage ng lupa ng mga Litton sa Sumalo, mas gusto namin iyon para bigyang daan ang kaunlaran at makuha na ng mga taga Sumalo ang pinangako ng mga Litton na ipagkakaloob sa amin ang lupang kinatitirikan ng aming mga tahanan,” paglalahad ni Apable.

Ayon naman kay Ningning Gonzales, myembro din ng KabisigKa Sumalo, nakasama rin sa ARB master list ang ilang mga unlawful detainers na nadesisyunan na ng Korte na paalisin sa Sumalo.

Binigyang diin naman ni Ronnie “Rebel” Camiling na walang puwang ang bansot na agrikultura sa Sumalo sa Mega Build Project na ginagawa na ngayon sa Hermosa patungo sa inaasam na industriyalisasyon na lalong mag-aangat sa antas ng pamumuhay ng mga mamamayan ng Hermosa.

Nanawagan din siya na “itigil na ang CaRP sa Sumalo dahil sinabi na ng mga eksperto mula sa Department of Agriculture na hindi angkop na pang agrikultura ang mayorya ng lupain dito.”

“Sa mga taga DAR Bataan at DAR Central hindi lang dapat si Kapitan Martinez na tadtad ng katiwalian at korupsyon ang kanyang panunungkulan, ang pinapakinggan ninyo. Panahon na para ang boses naman namin ang inyong pakinggan!,” pakiusap ni Janice Carbonel, isa sa mga opisyal ng Kabisigka Sumalo.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews