Nitong Hueves ay pinangunahan nila Bataan Governor Abet Garcia, Dinalupihan Mayor Gila Garcia at Israeli Ambassador to the Philippines, H. E. Ilan Fluss ang groundbreaking ceremony para sa itatayong 1Bataan Post Harvest Center sa Brgy. Calaylayan, Abucay, Bataan.
Ayon kay Gov. Garcia, ang naturang proyekto ay magsisilbing bagsakan ng mga ani ng mga magsasaka upang mapanatiling sariwa ang mga ito hanggang sa maihatid sa merkado.
Bagamat wala sa naturang okasyon ay nagpahayag ng kasiyahan ang Abucay LGU sa pangunguna ni Mayor Liberato “Pambato” Santiago, Jr. sa naturang proyekto para sa mga vegetable farmers gamit ang Israeli farming technology.
Sa isang phone interview ay sinabi sa media ni Municipal Administrator Ernesto Vergara na malaki ang maitutulong nito sa food security hindi lang ng Bataan at maging ng buong bansa.
Nauna rito, bago ang pandemya ay matatandaang ang proyektong 1Bataan Agri Inno-Tech Center (1Bataan AITC) sa bayan ng Dinalupihan ay bunga ng Public-Private Partnership sa pagitan ng Agrilever Israel at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan.
Samantala, pinangunahan naman ni Mayor Gila Garcia at Agrilever Chairman Yoav Schwalb ang pagtalakay sa mga susunod na hakbang para sa 1Bataan AITC na sinundan ng pagbisita sa isa sa mga pilot farms nito sa bayan ng Dinalupihan.
Matapos ang aktibidad sa bayan ng Dinalupihan at Abucay ay nagtungo ang mga opisyal sa The Bunker at the Capitol para ipinakita kay Ambassador Fluss ang ilan sa mga aning gulay na ibinebenta sa lobby ng naturang gusaling pampamahalaan kasama ang mga produkto ng Galing Bataan.
Nanguna sa pagsalubong sa The Bunker si Vice Governor Cris Garcia kasama ang mga department heads at mga kawani ng Pamahalaang Bayan ng Bataan sa pangunguna naman ni Provincial Administrator Geoff Loyola.