LUNGSOD NG CABANATUAN — Itatampok ng Department of Trade and Industry o DTI ang pagdaraos ng trade fair sa pagdiriwang ng Women’s Month sa Nueva Ecija.
Ayon kay DTI Provincial Director Richard Simangan, maraming nakagayak na programa ang tanggapan sa paggunitang ng Buwan ng mga Kababaihan.
Isa na rito ang pagsasagawa muli ng trade fair na nakatakdang magsimula sa ika-17 ng Marso sa NE Pacific Mall sa lungsod ng Cabanatuan.
Ayon kay Simangan, mahigit 20 micro, small and medium enterprises o MSME ang inaasahan nang lalahok sa programa na magbibida ng kanilang mga ipinagmamalaking gawang produkto gaya ng mga processed food, giftware, decorations, wearables at marami pang iba.
Kanyang ipinahayag na ang mga MSME na lumalahok sa mga trade fair ay dumaan na sa mga pagsasanay na pinangangasiwaan ng DTI tulad sa product development, packaging and labeling, costing and pricing, merchandising, marketing at iba pa na layuning mapaunlad at masiguro ang kalidad ng mga inilalakong produkto.
Pangunahing requirement naman ng mga nagnenegosyo para makalahok sa mga trade fair ay dapat kumpleto sa mga dokumento tulad ng pagkakarehistro sa DTI, Bureau of Internal Revenue at mayroong Mayor’s Permit.
Tumutulong din ang DTI sa mga MSME na nasa food processing para sa mga kailangang pagpapasuri ng mga produkto sa pagkuha ng accreditation sa Food and Drug Administration.
Ibinalita din ni Simangan na maliban sa trade fair ay mayroon ding nakalinyang Gender and Development webinar ang ahensya gayundin ang paglulunsad ng mga bagong proyekto sa ilalim ng Shared Service Facility.