Inilunsad ng mga residente ng Olongapo City, Zambales noong March 27, 2022 ang kauna-unahang mangrove planting at beach clean-up drive bilang suporta kay dating House Speaker Alan Peter Cayetano na tumatakbong Senador para sa darating na halalan.
Ito ang kauna-unahang mangrove planting at beach clean-up drive ngayong kampanya na isinagawa para ipahayag ang suporta sa isang kandidato.
Pinamunuan ni Barangay Chairperson Rodolfo S. Catologan ang “1-4 Alan Mangrove Planting” sa Barangay Pag-Asa, Olongapo City kung saan lumahok ang ibang lokal na environmental groups.
“[Ang mga mangrove] ay nagbibigay kalinisan po sa ating mga environment dito po sa amin,” pahayag ni Catologan.
“Napakalaking bagay po sa aming barangay [itong eco-friendly campaign]…Ito ay pakikinabangan ng ating mga kababayan, malaking tulong po ito,” dagdag pa niya.
Ilang grupo rin ang sumama sa “1-4 Alan Beach Clean-up” noong hapon sa Driftwood Beach, Barangay Barreto, Olongapo City na pinamunuan nina ABC President Randy C. Sionzon, Office of the City Agriculture and Ecotourism representative Aileen Reyes, at ng Bangkero and Fisheries Group.
“Ang lahat po ng basurang ‘yan ay karamihan po mga plastik, mga bote, mga styropacks…sagabal po lalo na sa mga tubig sa dagat, mga mangingisda nahuhuli po mga plastic bottles imbes na isda,” sabi ni Reyes.
“Ngayon po wala na tayong nakikitang plastic bottles…Nakakatulong po ito sa kalikasan, at sa mga mamamayan [dito]…Sa atin pong mga kapwa Pilipino hinihikayat po namin kayo na tularan at suportahan po natin buong puso at pagmamahal ang eco-friendly [campaign] ng ating Senator Peter Cayetano,” dagdag pa niya.
Kasabay nito ay naglunsad din ng sariling beach clean-up ang mga taga-suporta ni Cayetano sa San Fernando, La Union.
Inorganisa ang mga nasabing aktibidad bilang tugon sa eco-friendly campaign na isinusulong ngayon ng Senatorial candidate para sa halalan sa Mayo.
Nauna nang nagsagawa ng magkakasabay na bike caravan ang mga taga-suporta ni Cayetano sa iba’t ibang panig ng bansa noong Pebrero 28 at Marso 14 bilang pakikiisa din sa adbokasiya nito.
Pebrero nang simulang hikayatin ng dating Speaker ang kanyang mga taga-suporta pati na ang mga kapwa kandidato na magtanim na lamang ng mga puno at mangrove, magtayo ng mga urban farm, at gamitin ang social media bilang mga alternatibo sa tradisyunal na pangangampanya.
Inanunsyo niyang iiwas siya sa paggamit ng mga naka-imprentang campaign materials at pagsasagawa ng motorcade na aniya ay makadadagdag lang sa maiipong kalat at polusyon pagkatapos ng kampanya.
Pinuri ng iba’t ibang environment groups ang panawagan ng dating Speaker tulad ng EcoWaste Coalition na nagsabing nagpapahayag ito ng kanyang “malalim na pagkalinga sa kalikasan at mahalagang mission na gawing mas malinis, ligtas, at maayos ang kampanya hanggang sa araw na halalan.”
Naghain ng Certificate of Candidacy sa pagka-Senador ang dating House Speaker noong October 7, 2021.
Ayon kay Cayetano, na kasalukuyang isa sa mga nangunguna sa mga survey, nais niyang isulong ang isang “faith-based at values-oriented leadership” sa Senado.