PILAR, Bataan — Araw at gabi nang tuluy-tuloy na nakataas at magwawagayway ang bandila ng Pilipinas sa ibabaw ng Dambana ng Kagitingan sa Pilar, Bataan.
Ito’y matapos pormal na ilagak ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP ang pananda na nagdedeklara na ang bandila dito ay nakataas sa buong taon at naiilawan sa gabi.
Ipinaliwanag ni NHCP Chair Rene Escalante na ito ay naaayon sa Republic Act 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines.
Partikular na probisyon nito sa section 6, hindi na ibinababa ang bandila ng bansa, umulan man o umaraw, araw o gabi kaya’t 24 oras na nagwawagayway sa mga deklaradong pangunahing makasaysayang lugar.
Sa deklarasyong ito, ipinantay ang Dambana ng Kagitingan sa mga pangunahing makasaysayang pook sa Pilipinas gaya ng Palasyo ng Malacanang, mataas at mababang kapulungan ng Kongreso, Libingan ng mga Bayani, Simbahan ng Barasoain, Tahanan ni Emilio Aguinaldo at monumento ni Dr. Jose P. Rizal sa Luneta.
Ayon kay Philippine Veterans Affairs Office administrator Ernesto Carolina, isa na naman ito sa maraming pamamaraan ng pagkilala sa makasaysayang dambanang ito at patuloy na pagpaparangal sa kabayanihan ng mga beterano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa lugar na ito noong Abril 9, 1942, napabagsak ng mga Hapon ang Bataan na nagbunsod para parusahan ng ‘Martsa ng Kamatayan’ ang nasa 75 libong sundalong Pilipino at Amerikano na nakahimpil dito.
Pinaglakad sila mula sa Bataan hanggang sa San Fernando, Pampanga. Mula roon ay isinakay sila ng tren patungo sa Capas, Tarlac.