LUNGSOD NG MALOLOS — Maayos at naging payapa sa pangkalahatan ang ginanap na Halalan sa Bulacan.
Sa ulat ng Bulacan Police Provincial Office, walang anumang naitalang election related incident sa buong kaganapan ng botohan.
Wala rin naitalang paglabag sa liquor ban, gun ban violators at firearms confiscation at isyu ng vote-buying.
Ayon kay Acting Police Provincial Director PCol. Charlie Cabradilla, ilan sa mga natanggap nilang report mula sa iba’t ibang police stations ay ang pagpalya ng may 37 na vote counting machines o VCMs.
Kabilang rito ang Kakawate Elementary School, Bagong Buhay I Elementary School, Caingin, Bagong Buhay G at B sa Lungsod ng San Jose del Monte; Sta. Maria Elementary School sa bayan ng Sta. Maria; Bintog Elementary School sa Plaridel; Teodoso Elementary School, Brgy. Donacion, Angat; Pulilan Central School, Brgy. Poblacion, Pulilan; Batia Elementary School, Bocaue; Binuangan Elementary School sa bayan ng Obando; SS Del Rosario Elementary School sa Talampas, Bustos; Bancal Elementary School sa Lungsod ng Meycauayan;
Kasama rin ang Balite Elementary School sa Brgy. Balite, Calumpit; Umpucan Elementary School sa Brgy. Umpucan, San Ildefonso; Mataas na Parang Elementary School at Camias Elementary School sa bayan ng San Miguel; San Agustin Elementary School sa Hagonoy; at Santol Elementary School sa Balagtas.
Ilan sa naging aberya ng VCMs ay paper jam, unable to print receipt at overheating.
Agad naman itong nasolusyonan matapos palitan ang ibang VMCs habang may ilan pending for replacement.