LUNGSOD NG CABANATUAN — Pinag-iingat ng Department of Health o DOH Nueva Ecija ang publiko sa maaaring makuhang sakit ngayong panahon ng tag-ulan.
Ayon kay DOH NE Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa, isa ang Dengue Fever sa mga sakit na nakukuha ngayong panahon ng tag-ulan dahil sa mga naiipong tubig sa labas ng tahanan na maaaring pamahayan ng mga lamok.
Kaniyang paalala na panatilihing malinis ang kapaligiran, maghugas palagi ng mga kamay upang makaiwas sa mga pagkakasakit lalo’t nananatili pa din ang banta ng COVID-19.
Ngayon panahon ng tag-ulan ay huwag baliwalain ang mga flu-like symptoms kagaya ng ubo, sipon, body weakness, fatigue at lagnat na kailangang ipakonsulta agad sa nakasasakop na health center o Barangay Health Emergency Response Team upang agad na masuri at mabigyan ng wastong medikasyon.
Pahayag ni Espinosa, sa pamamagitan ng early diagnosis at early treatment ay mapipigilan ang pagkalat ng COVID-19 gayundin ang pagkakasakit ng Dengue.
Matibay na panlaban aniya kontra sa malalang pagkakasakit ng COVID-19 ay ang pagtanggap ng bakuna at booster kaya patuloy na pinaiigting ang vaccination program ng pamahalaan upang mas dumami ang mabigyang proteksiyon dahil mabilis na naihahawa ang Omicron variant at sub-variant nito.
Batay sa datos ng DOH Nueva Ecija nitong Mayo 22 ay nasa pito ang aktibong kaso ng COVID-19 sa buong lalawigan na nasa kategoryang mild at asymptomatic cases.
Dalawa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Cabanatuan at tig-iisa sa Aliaga, Guimba, San Leonardo, Santa Rosa, at Science City of Muñoz.
Sa mga may katanungan, maaaring tumawag sa Nueva Ecija One Hospital Command Center sa mga himpilang 0918-245-4000 at 0965-904-3679.