Nasa 285 indibidwal ang nabenepisyuhan sa idinaos na medical mission na pinangasiwaan ng Reserve Command o RESCOM ng Philippine Army sa bayan ng Guimba sa Nueva Ecija.
Sinabi ni RESCOM Commander Major General Fernando Felipe na maliban sa pagtitiyak ng seguridad ay bahagi din sa mandato ng hanay ang pagkakaroon ng kontribusyon sa socio-economic development at nation building ng bansa.
Hangad ng ganitong aktibidad aniya na maabot at makapaghatid ng serbisyong medikal sa mga higit na nangangailangang mamamayan na idinaos kamakailan sa barangay Cawayan Bugtong.
Katuwang dito ng RESCOM ang mga kasundaluhan ng 84th Infantry Battalion o 84IB, 3rd Regional Community Defense Group, pamahalaang bayan ng Guimba, at mga pribadong asosasyon tulad ng Rotary Club of Intramuros, Riego De Dios Eagles Club, Junior Chamber International Quezon City Capitol at Destura Construction and Interior Design Services.
Bukod sa konsultasyong medikal ay nagkaroon din ng libreng dental checkup, bunot ng ngipin, tuli, libreng gupit, gayundin ang distribusyon ng school supplies at mga laruan para sa mga kabataan.
Pahayag ni 84IB Commanding Officer Lieutenant Colonel Enrico Gil Ileto, patuloy na nakasuporta at magiging katuwang ang buong hanay sa mga katulad na programa sa pagtitiyak ng kapayapaan at paghahatid ng mga serbisyo para sa mga nasasakupang mamamayan.
Nagpaabot naman ang lubos na pasasalamat si Cawayan Bugtong Punong Barangay Marcos Obena sa RESCOM at mga katuwang na ahensya sa paghahatid ng mga serbisyong kailangan ng mga nasasakupan. (CLJD/CCN-PIA 3)