Maayos na bentilasyon ng mga silid-aralan, sapat na supply ng face mask para sa guro at mag-aaral, at access sa mga hand washing o sanitation areas.
Ito ang ilan sa mga naging suhestiyon ni Bataan Provincial Health Consultant, Dr. Tony Leachon sa ginanap na pulong ng Bataan Provincial School Board kasama ang mga opisyal ng Department of Education Schools Division ng Bataan at Balanga City nitong Martes sa The Bunker at The Capitol, Martes ng umaga.
Ayon kay Bataan Governor at Provincial School Board Chairman Joet Garcia, tinalakay nila sa naturang pulong ang mga hakbang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral at guro sa muling pagbubukas ng klase ngayong panahon pa rin ng pandemya ng Covid-19.
Tiniyak naman ni Gov. Garcia na ang lahat nang ito ay nakahanda na sa bawat paaralan at ipinaabot din niya sa publiko na patuloy na nakaalalay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan sa mga pangangailangan ng mga guro at mag-aaral, upang mapanatiling mataas ang kalidad ng edukasyon sa Probinsiya nang hindi isinasaisantabi ang kalusugan ng bawat isa.
Sa national scale, isang linggo bago magsimula ang klase sa mga pampublikong paaralan, nakipagtulungan ang Department of Education (DepEd) sa iba’t ibang ahensya at organisasyon ng gobyerno mula sa pribadong sektor para sa pambansang paglulunsad ng “Oplan Balik Eskwela” (OBE) 2022.
Ang OBE ay isang taunang inisyatiba ng DepEd para makipag-ugnayan sa mga ahensya, organisasyon, at iba pang stakeholder bilang paghahanda sa pagbubukas ng school year sa Agosto 22, 2022.
Ang OBE ay tatakbo mula Agosto 15 hanggang 26, 2022.