30 mangingisda sa Masinloc, magiging katuwang vs CTG

May 30 mangingisda mula sa bayan ng Masinloc sa Zambales ang tutulong sa lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng tamang impormasyon upang maiwasan ang panlilinlang ng mga communist terrorist group sa kanilang hanay.

Sila ay mga miyembro ng Masinloc Fishermen’s Cooperative. 

Ayon kay Municipal Agricultural Officer Ferdinand  Echon, layunin ng Masinloc Fisherfolks Assembly na mabigyan ng tamang impormasyon ang mga mangingisda sa mga panlililinlang ng mga terorista sa naturang sektor.

Bukod pa rito, isa rin ito aniya sa mga hakbang ng pamahalaang lokal upang maipaabot ang mga programa ng pamahalaang bayan sa iba’t-ibang sektor ng lipunan lalo na sa mga liblib na lugar.

Sa kanyang mensahe, binigyang diin naman ni  Armed Forces of the Philippines Northern Luzon Command Acting Chief of Unified Command Staff for Civil Military Operations Colonel Norberto Aromin Jr. ang kahalagahan ng pagbibigay ng kaalaman at totoong impormasyon sa layunin ng mga makakaliwang grupo sa bawat sektor ng lipunan. 

Tiniyak din ni Aromin ang mga mangingisda na tutulungan silang maipaabot sa kinauukulan kung ano man ang kanilang problema.

Samantala, nagpasalamat naman ang mga isang mangingisda sa mga kasundaluhan sa pagbabahagi ng tamang kaalaman upang maprotektahan nila ang bawat isa laban sa pananamantala ng komunistong grupo.

Ang Masinloc Fisherfolks Assembly ay pinangunahan ng Masinloc Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa pakikipagtulungan sa 3rd Mechanized Infantry Battalion, at Situational Awareness and Knowledge Management Cluster ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict. (CLJD/RGP-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews