Kasama sa mga ibinababang programa sa barangay ng pamahalaang bayan ng Cuyapo sa Nueva Ecija ang mga serbisyong pangkalusugan partikular ang pagsugpo sa Tuberculosis o TB.
Ayon kay Mayor Florida Esteban, naka-iskedyul tuwing Biyernes ang pagtungo ng mga opisina ng pamahalaang lokal sa mga barangay na layuning ilapit ang mga serbisyo ng pamahalaan kasama na ang mga programang pangkalusugan.
Mahalaga aniya ang direktang ugnayan sa mga pamayanan upang malaman ang mga pangangailangan ng mga nasasakupang mamamayan.
Pahayag ng alkalde, sa ganitong paraan ay nahihikayat ang mga kababayang magpa-screen kontra tuberculosis upang agad na matukoy ang mga may sakit nang matulungan sa pagpapagamot hanggang sa paggaling.
Tuloy-tuloy aniya ang mga programa kontra sa pagkalat ng TB sa bayan ng Cuyapo kahit pa panahon ng pandemiya.
Bukod sa mobile x-ray na umiikot sa mga barangay ay mayroon ding katuwang na pribadong klinika ang pamahalaang lokal na nagbibigay ng libreng pagsusuri.
Kung magpositibo sa sakit ay libre ang gamutan na kailangang ituloy-tuloy hanggang sa gumaling.
Bilang isang manggagamot ay sinabi ni Esteban na kapag lumala ang TB ay hindi lamang baga ang naaapektuhan kundi ang iba pang parte ng katawan na nagiging sanhi ng pagkamatay.
Panahon na aniya upang pag-ibayuhin ang mga programa upang masugpo ang sakit na TB na matagal ng problema sa bansa.
Paalala ni Nueva Ecija Provincial Health Office Chief Josefina Garcia, ang TB ay nagagamot at hindi dapat ikahiya.
Ang lahat aniya ng Rural Health Unit sa lalawigan ay mayroong medical technologist at doktor na handang tumingin sa mga may sakit gayundin ay nagbibigay ng libreng gamot sa bawat pasyenteng matutukoy na may sakit na TB.
Ang kailangan lamang ay seryosohin ang sakit na TB dahil ito ay nakahahawa o madaling maipasa partikular sa mga kasama sa bahay na mababa o mahina ang resistensiya laban sa mga sakit. (CLJD/CCN-PIA 3)