Nagpahayag ng suporta ang Armed Forces of the Philippines Northern Luzon Command o NOLCOM sa mga Ayta ng Tarlac at Pampanga.
Ginawa ni NOLCOM Commander Lieutenant General Ernesto Torres Jr. ang pahayag sa katatapos na “Healing Reconciliation and Operationalizing the 11 Building Blocks in the Ancestral Domain in support of Executive Order 70” ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP.
Binigyang diin ni Torres ang kahalagahan ng pagbubuklod-buklod sa ikaaayos ng pamumuhay ng mga katutubo.
Sa ngalan ng AFP ay humihingi aniya siya ng tawad sa mga hindi magandang naging karanasan ng mga katutubo sa nakalipas na mga taon at kasabay nito ang pangako nang pakikipagtulungan upang hindi na maulit ang mga kahalintulad na pangyayari.
Bahagi ng naturang aktibidad ang workshop kung saan ibinahagi ng mga katutubo ang kanilang nais na mga programa at proyekto na higit na makapag-aangat ng kanilang pamumuhay.
Isa na rito ang pagkakaroon ng kinatawan na kapwa nila katutubo sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na mas makaiintindi ng kanilang mga hinaing.
Pag-anyaya ni Torres sa iba’t ibang kinatawan ng mga ahensya, ang mga programang tulad nito ay karapat-dapat na bigyang prayoridad sapagkat sa mga katutubong mamamayan nagmumula ang pagkakakilanlan ng kultura ng bansa.
Ani Torres, nagsama-sama ang lahat sa pag-aasam na mabigyang boses, maprotektahan ang karapatan, at mapaunlad ang komunidad ng mga katutubo upang hindi sila mapagsamantalahan at magamit ng makakaliwang grupo.
Ito ay ilan lamang sa mga konsultasyon para sa katutubo kasama ang mga ahensya ng pamahalaan na isinasagawa ng NCIP sa buong bansa.