Paiigtingin ng Department of Science and Technology o DOST ang produksyon ng Enhanced Nutribun sa Bulacan.
Ito ay upang matiyak ang tuluy-tuloy na suplay nito sa iba’t ibang supplemental feeding program sa lalawigan.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum, bahagi ito ng ambag ng ahensya upang patuloy na mabawasan ang malnutrisyon sa ilalim ng Bringing in Resources for Everyone’s Agenda on Kalusugan, Kabuhayan, Kaalaman at Kaunlaran sa Bulacan for Malnutrition Reduction Program o BREAK4 MRP.
Nabuo ang programang ito bilang pagtalima sa Republic Act 11148 o Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act of 2018.
Para maisakatuparan ito, may 10 panaderya sa Bulacan ang pormal na lumagda ng Technology Licensing Agreements sa DOST habang may karagdagang pito pang mga panaderya ang kasalukuyang sumasailalim sa training sa paggawa ng Enhanced Nutribun.
Tumanggap ang unang 10 ng Technology Certifications Award bilang patunay at pahintulot na opisyal nilang gagamitin ang mga sangkap at formula na nilikha ng Food and Nutrition Research Institute o FNRI.
Kabilang dito ang na Loubelle Bakery at PNR Bakeshop sa lungsod ng Malolos, Cuevas Bakery at Sapang Palay National High School Multipurpose Cooperative sa lungsod ng San Jose Del Monte, E.V. Cuevas sa Santa Maria, Bag of Sweet Bite Bakeshop sa Marilao, Gintong Kusina Producers Cooperative sa Guiguinto, Actions Hub Philippines Inc. sa Plaridel, Pasalubong Foods Inc. sa Pulilan, at Danrich sa Baliwag.
Sinabi naman ni DOST Provincial Director Angelita Parungao na lima sa mga panaderyang ito ay tinulungan ng ahensya na mapabuti ang kanilang produksyon.
Nasa 5.7 milyong piso na halaga ng mga makabagong kasangkapan ang naipagkaloob sa kanila sa ilalim ng Small Enterprise Technology Upgrading Program.
Samantala, iniaalok din ng DOST sa mga pamahalaang lokal sa Bulacan na subukang isama sa pagbili ng Nutribun ang mga fruit juices at tea na gawa ng University of the Philippines sa tulong ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development.
Nagtatawag naman ang ahensya ng mga technology adopters para sa produksyon ng mga Complimentary Food Blend Powder na gawa rin ng FNRI gaya ng Beef Mac Sopas, Arroz Caldo, Chicken Tinola, Chicken Sopas, Beef Mac Spaghetti Sauce, Sinigang na Baka, Sinampalukang Manok, Beef Bulalo, Ginataang Munggo at Kiddie Champorado.
Mayroon ding iba pang gawa ang FNRI na hinahanapan ng technology adopters tulad ng Vanilla flavor drink at Nutri-Gelatin Malunggay. (CLJD/SFV-PIA 3)