Isang espesyal na pagpupugay bilang parangal sa limang rescuers na namatay habang nagsasagawa ng rescue operation sa pananalasa ng super typhoon Karding ang igagawad para sa kanilang kabayanihan sa “Luksang Parangal” na gaganapin ngayon (Biyernes, Setyembre 30, 2022), sa Capitol Gymnasium sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.
Ang programa ay tinawag na “Salamat at Paalam… Bayaning Tagapagligtas! Luksang Parangal para sa mga Yumaong Lingkod Bayan” na dadaluhan ng kani-kanilang pamilya ng mga biktima, mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno nina Gov. Daniel R. Fernando at Vice Gov. Alexis C. Castro, mga rescuer mula sa iba’t ibang probinsya at mga lungsod sa bansa.
Sinabi ni Provincial Public Affairs Office (PPAO) head Katrina Anne Balingit na ang mga opisyal mula sa national at regional agencies kabilang ang Department of Social Welfare and Development, Department of the Interior and Local Government, Office of Civil Defense, National Disaster Risk Reduction and Management Council at iba pang mga panauhin ay inaasahan dadalo sa nasabing kaganapan upang magbigay-galang at parangal sa mga bayaning Bulakenyo.
Ang pagpupugay ay magbibigay daan din sa publiko na makita at maglaan ng panalangin, papuri at pasasalamat sa limang bayani na sina George E. Agustin mula sa Iba O’ Este, Calumpit; Troy Justin P. Agustin mula sa Sta. Rita, Guiguinto; Marby A. Bartolome mula sa Bulihan, Lungsod ng Malolos; Jerson L. Resurreccion mula sa Catmon, Santa Maria; at Narciso Calayag Jr. ng Lungsod ng Malolos sa huling pagkakataon.
Sabi ni Balingit, isang misa ang gaganapin bandang alas-3:00 ng hapon bago ang programa na susundan ng pag-awit ng pambansang awit at pag-aalay ng kandila, Bulacan Rescue seal, crucifix at bibliya.
Maririnig din ang mga testimonya ng mga taong naantig ang buhay gayundin ang mga mensahe nina Fernando at Castro.
Ang mga namatay na bayani ay gagawaran din ng mga plake ng pagkilala, “Mataas Na Pagkilala” para sa kanilang kabayanihan at walang pag-iimbot na serbisyo.
TULONG PINANSIYAL BUMUHOS
Samantala, nagsimulang bumuhos ang mga suporta sa mga pamilya ng limang namatay na bayani na tinaguriang “Bayani ng Kalamidad” tulad ng cash at scholar grant.
Ito ang kinumpirma ni Gob. Fernando na naunang umako sa lahat ng serbisyo sa libing ng bawat biktima bukod sa kanyang personal na tulong pinansyal na ibinigay at mula sa pamahalaang panlalawigan.
“Lahat ng nararapat na insentibo mula sa Pamahalaan ay ipagkakaloob natin sa pamilyang naulila,” ani Fernando.
Dagdag pa ng gobernador, marami siyang natanggap na tawag sa telepono at pledges mula sa iba’t ibang pribadong sektor at indibidwal na pilantropo kabilang na ang mga dayuhan na gustong tumulong sa mga pamilya.
Sinabi ni Fernando na tinawagan siya ni Dangal ng Bulacan Foundation president Gladys Sta Rita at inihayag na isang Filipino-Chinese na regular na donor ng foundation na nagngangalang Willi Keng ng Century Peak Holding Corp. ay magbibigay ng P200K kada pamilya ng mga nasawing rescuer heroes at scholarship grant sa isa sa mga naulilang anak ng bawat pamilya.
Sinabi ni Sta Rita na ang tseke at scholarship certificate ay personal na ibibigay ng anak na si Katrina Keng kay Gov. Fernando sa araw ng pagpaparangal.
Sinabi rin ni Fernando na magkakaloob din si Al Tengco, chairperson ng Philippine Amusement and Going Corporation, ng P100,000 sa bawat pamilya.
Mayroon ding mga pangakong P50,000 sa bawat pamilya bukod pa sa personal na manggagaling sa sariling bulsa ni Fernando.
Sinabi ni Fernando na tinitingnan din nila ang posibilidad ng pagbibigay ng school scholarship sa mga anak ng bagong “Bulacan Heroes.”
Kahapon (Huwebes) sa isinagawang regular session sa Sangguniang Panlalawigan (SP) ay pinangunahan ni Vice Gov. Castro ang pagpasa ng resolusyon kung saan ay kikilalanin ng Pamahalaang Panlalawigan ang kabayanihan ng nasawing bayaning rescuers at pagkakaloob ng P200,000 sa bawat pamilya ng biktima.
Ayon kay Castro, sa liham ng gobernador sa SP ay pinamamadali nito ang pag-aprub sa financial assistance na ibibigay sa mga tinaguriang fallen heroes ng lalawigan.
Dagdag pa ni Castro na pag-aaralan din ng SP ang karagdagang insentibo na ipagkakaloob sa mga rescuers at pagsasagaea ng regular re-training para ma-refresh ang kanilang mga kaalaman sa rescue operation.