ISANG Memorandum of Understanding ang nilagdaan sa pagitan ng City Government of Malolos at ng Yesan Gun, Province of Chungcheongnam-Do sa South Korea na naglalayon ng pagkaka-unawaan at pagkakaibigan ng dalawang panig sa pamamagitan ng pagpapalitan at pagpapaunlad ng sektor ng agriculture at aquaculture.
Ayon kay Malolos Mayor Christian Natividad, kabilang sa napagkasunduan ay ang pagpapadala ng 300 seasonal workers na pawang mga Malolenyo sa Yesan County sa South Korea sa darating na Disyembre, 2022.
Bibigyan sila ng oportunidad na makapagtrabaho bilang mga fruit picker, taga-harvest ng mga ibat-ibang pananim gaya ng gulay, mais, palay at pag-aalaga ng mga hayop at pangingisda at bukod dito ay sasailalim din sila sa pagsasanay.
Ang magkabilang panig ayon kay Natividad ay magsusulong ng magkaibang kuro-kuro at kasanayan at mga proyektong kooperatiba na nagpapailalim ng bawat benepisyo nito upang mapabuti ang productivity and competitiveness sa larangan ng agrikultura at pangisdaan.
Sa gayon ay mapapataas nito ang farming and fishing household income ng bawat panig sa batayan ng tiwala sa isa’t-isa at pagkakapantay-pantay.
Ang parehong partido ay sumang-ayon din na aktibong suportahan ang paghahatid at pagpapakalat ng teknolohiyang pang agrikultura at pangisdaan.
Ang Yesan County ay lilikha ng mga kundisyon at aktibong susuporta sa mga magsasaka at mangingisda sa Lungsod ng Malolos sa pamamgitan ng pagbibigay ng oportunidad sa pagsasanay at paglipat ng teknolohiya sa agriculture and fishery.
Isinasaad din sa MOU na ang Lungsod ng Malolos ang siyang pipili ng mga magiging kalahok na magsasaka at mangingisda at magsasagawa ng unang pagsasanay upang matulungan ang mga kalahok na madaling maangkop sa mga bagong teknolohiya.
Maaari rin silang magpatupad ng iba pang mga proyekto ng palitan na may kaugnayan sa agrikultura at pangisdaan sa hinaharap pagkatapos ng pagkonsulta sa isa’t-isa.
Ayon pa sa alkalde, ang mga ipapadalang seasonal workers ay hindi kailangan na isang college graduate, no age limit pero may kakayahang magtrabaho kung saan ay susuweldo ang mga ito ng hanggang P76,000 kada buwan neto sa loob ng limang buwang kontrata.
“Ito po ay isang magandang pagkakataon sa mga kababayan nating Malolenyo, simple lang ang kanilang magiging trabaho sa larangan ng agriculture at aquaculture.. taga-harvest ng gulay, prutas, mais, palay at pag-aalaga ng mga hayop at pangingisda,” wika ni Natividad.
Nabatid na ang 240 sa 300 aplikante ay manggagaling sa Government Internship Program ng mayor at vice mayor’s office at ang natitirang 60 slots ay first come, first serve basis.
Pagkaraan ng unang batch ay panibagong 300 Malolenyos ulit ang ipapadala agad upang makapagtrabaho sa South Korea.