FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija — Kabilang si Philippine Army Commanding General Lieutenant General Romeo Brawner Jr. sa 13 nagtapos ng Fixed Wing Aviator Qualification Course sa Army Aviation Regiment sa Fort Magsaysay.
Ayon kay Brawner, nais niyang pagdaanan ang kurso, matuto at maranasang magpalipad ng eroplano nang lalong mapahalagahan ang gampanin ng Aviation sa Philippine Army.
Bilang kumander o batang opisyal man ay kapanatagan na malamang mayroong air assets na laging handang tumugon sa mga pangangailangan ng tropa partikular sa pagtupad ng mga misyon.
Kaniya ding ibinahagi ang karanasan noong siya ay Division Commander pa lamang nang hindi naisalba ang dalawang kasamahang sugatan sa operasyon at kinailangan pang maibaba mula sa bundok, sa noo’y wala pang naka-deploy na air assets sa lugar ng kanilang operasyon.
Dagdag pa ni Brawner, kaniyang pangarap na madagdagan ang air assets ng Philippine Army kasama na ang patuloy na pagpapaunlad sa kakayahan at kapasidad ng buong hukbo.
Dumalo bilang panauhing tagapagsalita sa pagtatapos ng kurso si Senior Defense Undersecretary Jose Faustino Jr. na personal bumati sa mga bagong pilotong handa ng sumabak sa aviation support missions.
Silang lahat ay dumaan sa masusing pagsasanay kabilang ang orientation and ground phases, advance flight phase at cross country navigational training flight.
Pahayag ni Faustino, ito ay muling tagumpay ng Army Aviation Regiment at Aviation School Center sa pagdaragdag ng kailangang lakas at pwersa.
Kaniya ding pinuri ang pamunuan ng rehimiyento, training directorate at instructor pilots na patuloy ang dedikasyon sa sinumpaang tungkulin, sa pagtuturo sa mga estudyante at pagpapabuti ng hanay.
Kaniyang binigyang diin ang mahalagang gampanin ng Army Aviation Regiment tulad sa aerial reconnaissance, surveillance, transport of personnel and equipment, parachute and airdrop, sa pagtulong at pagliligtas ng mga nasasakupang mamamayan sa panahon ng kalamidad o pangangailangan.
Tiwala ang Army Aviation Regiment sa pangunguna ni Colonel Andre Santos sa kahandaan ng mga nagsipagtapos sa anumang flight mission na kanilang kahaharapin, taglay ang lahat ng mga natutuhan at kakayahan.