Nakamit ng Lalawigan ng Bataan ang parangal bilang “Galing Pook Awardee 2022” tampok ang Bataan PPP Programs.
Nitong Martes ay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mismo ang nanguna sa paggawad ng parangal kasama si DILG Secretary Benhur Abalos Jr. para sa Lalawigan ng Bataan sa pamumuno ni Governor Jose Enrique “Joet” Garcia III na ginanap sa Ceremonial Hall, Malacañang Palace, Manila.
Natatangi ang Bataan sa Galing Pook Awards sa programa nitong Bataan Public-Private Partnership (PPP) Program.
Ayon kay Governor Garcia, bukod dito ay naging Finalist din ang Bataan sa programa nitong “1Bataan Seal of Healthy Barangay.”
Tanging ang Probinsiya ng Bataan ang nakapasok bilang finalist sa dalawang kategorya mula sa hanay ng 196 aplikante para sa nasabing award.
“Congratulations po sa ating mga kawani ng Bataan Public-Private Partnership and Investment Center gayundin sa mga kawani ng Provincial Health Office natin na finalist para sa 1Bataan Seal of Healthy Barangay,” pahayag ni Gov. Garcia sa kanyang official Facebook Page.
Ang Galing Pook Foundation ay ang nangungunang resource institution na nagbibigay ng suporta, tools at resources sa mga local government units (LGUs) para bigyang-daan sila sa pagbuo ng mga adaptive na solusyon sa mga hamon sa kani-kanilang komunidad.
Sa pamamagitan ng mga programa nito, ang mga lokal na punong ehekutibo at kanilang mga yunit ay maaaring mapahusay ang kanilang kaalaman at makipagpalitan ng pinakamahusay na kasanayan sa pagpapaunlad ng kanilang mga lokalidad.
Inilunsad noong ika- 21 Oktubre 1993, ang Galing Pook Awards ay nagsisilbing isang pangunguna sa programa sa pagkilala sa mga makabagong kasanayan ng mga lokal na pamahalaan sa buong bansa.
Sa pamamagitan ng multilevel na proseso ng screening, sinusuri ang mga programa ng lokal na pamamahala batay sa mga positibong resulta at epekto, pagsulong ng empowerment at partisipasyon ng mga tao, innovation, transferability at sustainability, at kahusayan ng paghahatid ng serbisyo ng programa.