May 36 na may-ari ng karinderya sa lungsod ng Tarlac ang tumanggap ng kagamitang pangnegosyo mula sa Department of Trade and Industry o DTI.
Ito ay sa ilalim ng programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa o PPG ng ahensya na may layuning suportahan ang mga micro enterprises.
Ayon kay DTI OIC-Provincial Director Florencia Balilo, hangarin ng PPG na matulungang makabangon ang mga negosyante, partikular ang mga nasalanta ng kalamidad.
Aniya, nais ng pamahalaan na mapagyaman ng mga nakatanggap ang mga kagamitan at kasama ang pagpupursigi ay mapalago ang kanilang negosyo.
Ipinahayag naman ni Tarlac City Cooperative and Enterprise Development Office OIC Mina Tañedo ang kanyang pasasalamat sa mga kagamitang ipinamahagi ng DTI sa mga negosyante sa lungsod.
Giit ni Tañedo nagpapasalamat siya sa DTI sa kanilang pagsisilbi at pagbibigay pangkabuhayan sa taong bayan sapagkat kahit ano mang pagsubok ang dumaan laging mayroong pag-asa dahil sa hatid ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DTI sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng Negosyo Center Tarlac City upang matutukan ang paglago ng mga ito. (CLJD/TJBM-PIA