SAN RAFAEL, Bulacan — Pinasinayaan na ang San Rafael Campus ng Bulacan State University o BulSU na kauna-unahan sa ikatlong distrito ng lalawigan.
Matatagpuan ito sa kahabaan ng Plaridel Arterial Bypass Road na nasa barangay San Roque.
Ayon kay BulSU President Cecilia Gascon, ito ang bukod tanging external campus ng BulSU na naitatag sa bisa ng isang statutory law bilang Republic Act 11329 na ganap na naging batas noong Abril 22, 2019.
May halagang 200 milyong piso ang nagugol sa pagpapatayo ng mga pasilidad ng BulSU-San Rafael Campus mula sa pambansang badyet ng 2021.
Iba pa rito ang nasa 100 milyong piso na pondo para sa itinatayong auditorium sa loob ng nasabing campus.
Taong 2019 din nang pasimulan ng Project Management Office o PMO ng BulSU ang proyektong ito mula sa land development hanggang sa pagpapatayo ng mismong mga gusaling pampaaralan.
Ayon kay PMO Head Marissa Parungao, kambal na gusali na may tig-apat na palapag ang itinayo sa may mahigit dalawang ektaryang lupa na donasyon ng Filinvest Corporation.
May laman itong 40 na mga silid-aralan na pawang mayroong air conditioning system.
Kumpleto ito sa pasilidad para sa mga pangunahing pangangailangan ng tao gaya ng palikuran sa kada palapag, mga rampa at hawakan para sa mga persons with disabilities at maaliwalas na landscape architecture.
Nagpasadya rin ng mga malalaki at mahahabang lababo upang masanay ang mga mag-aaral na regular na maghugas ng kamay ngayong may pandemya pa.
Kasalukuyang nasa 189 ang unang mga mag-aaral ang naka-enrolled sa BulSU-San Rafael Campus na nasa mga kursong Nursing, Psychology, Biology at Medical Technology.
Target ng BulSU na buksan sa campus na ito ang kursong medisina sa susunod na tatlong taon para sa mga magiging iskolar ng Republic Act 11509 o Doktor para sa Bayan Act.
Pang-anim na ang bayan ng San Rafael sa nalagyan ng campus ng BulSU.
Ang una ay ang Malolos main campus nito noong 1904, Bustos Campus noong 1976, Sarmiento Campus sa lungsod ng San Jose Del Monte noong 1998, Meneses Campus sa Bulakan noong 2000 at Hagonoy Campus noong 2011.