Bike Patrol Unit, inilunsad ng Bulacan PNP

Inilunsad ng kapulisan sa Bulacan ang Bike Patrol Unit katuwang ang pamahalaang panlalawigan.

Nasa 80 pulis mula sa 21 bayan at tatlong lungsod ang binigyan ng bisikleta na may kasamang helmet at arm sleeves para sa kanilang pagpapatrulya.

Ayon kay Police Provincial Director PCol. Relly Arnedo, inilunsad nila ang Bike Patrol upang maging visible ang kapulisan sa mga lugar na madalas puntahan ng tao tulad ng mga tourist destinations at parke gayundin mapabilis ang kanilang pag-responde sa mga krimen sa kakalsadahan.

Isinusulong din anya nito ang pagiging physically fit ng mga pulis.

Kaugnay sa pagsusulong ng malusog na pangangatawan ng mga pulis, isinabay na rin ang groundbreaking ng itatayong 540 metro kuwadradong multi-purpose covered court sa loob mismo ng panlalawigang punong tanggapan nito sa Kampo Alejo Santos.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Gobernador Daniel Fernando na ang mga pulis ay katuwang sa pagbabantay sa kapayapaan at katahimikan at sandalan ng bawat Bulakenyo.

Bilin niya sa kanila, inagat ang mga bisikleta pati na ang kanilang sarili sa kanilang pagpapatrulya. (CLJD/VFC-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews