Sumailalim sa pagsasanay ng Department of Agriculture (DA) ang mga katutubong magsasaka sa barangay San Vicente sa Bamban, Tarlac.
Sila ay benepisyaryo ng programang Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo o 4K.
Ayon kay DA Regional 4K Program Focal Person Memito Luyun III, layunin ng programa na palawigin pa ang kaalaman ng mga katutubong magsasaka sa tamang paraan ng paggugulay at paghahayupan.
Aniya, hangad ng kanilang ahensya na matulungan ang mga katutubo sa paglilinang ng kanilang mga lupain at kaalamang agrikultural upang mas mapabuti pa ang kanilang kabuhayan.
Katuwang ang National Commission on Indigenous Peoples Bamban Service Center, tinuruan ang mga benepisyaryo ng tamang pamamaraan ng pagtatanim at pagpo-proseso ng saging.
Sa pagtatanim naman ng talong, pinayuhan sila na pumili ng magandang klase ng talong upang makaiwas sa pinsala, at lumago ang kanilang kita.
Tinalakay din sa pagsasanay ang iba pang mga mahahalagang paksa gaya ng Magna Carta of Women at mga paalala upang manatiling ligtas sa rabies.
Bago matapos ang pagsasanay, nagkaroon ng Needs Assessment upang malaman ang mga kaukulang interbensiyon na nais matanggap ng mga katutubong magsasaka.
Kabilang din sa mga dumalo sa pagsasanay ang mga Katutubong Burog Indigenous People Agriculture Cooperative at Socorro Abelling Tribe Women’s Association. (CLJD/TJBM-PIA 3)