BULAKAN, Bulacan — Binuksan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang isang eksibisyon tungkol sa naging krusada ng mga rebolusyonaryo mula sa Biak-na-Bato hanggang sa pagkakatapon nila Hong Kong.
Pinamagatan itong 682 Across Biak-na-Bato Traveling Exhibit na ngayo’y matutunghayan sa Museo ni Marcelo H. Del Pilar sa bayan ng Bulakan hanggang Mayo 31.
Sinabi ni Alex Aguinaldo, kurador ng museo, akmang akma na tinatawag itong isang traveling exhibit kung saan iniikot ang eksibisyon sa mga partikular na museo na pinangangasiwaan ng NHCP dahil tungkol din sa paglalakbay ng mga rebolusyonaryo ang nilalaman ng eksibisyon bilang bahagi ng kanilang krusada para sa Kalayaan.
Sa pagpasok ng buwan ng Hunyo, ililipat ang 682 Across Biak-na-Bato Traveling Exhibit sa Museo ng Unang Republika 1899 na nasa simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos at dadalhin din sa Museo ni Mariano Ponce sa lungsod ng Baliwag.
Magiging bahagi na rin ito ng nalalapit na pagdiriwang ng Ika-125 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.
Pinili ang nasabing pamagat dahil 682 milya ang nilakbay ng mga rebolusyonaryong Pilipino, mula sa kabundukan ng Biak-na-Bato hanggang sa Hong Kong na noo’y teritoryo pa ng United Kingdom.
Base sa mga batayang pangkasaysayan ng NHCP na nakasaad sa nasabing traveling exhibit, napadpad sa Biak-na-Bato ang pwersa ni noo’y Heneral Emilio Aguinaldo matapos ang matagumpay na pagpapalaya sa Cavite mula sa kamay ng mga Kastila na kilala sa tawag na ‘Sigaw ng Kabite’.
Napunta sila rito sa layuning makapagkubkob sa mga kalabang Kastila habang pinaplano ang magiging susunod na mga hakbang upang ganap na matamo ang kalayaan.
Tatlong mahahalagang hakbang ang natamo dito gaya ng dapat na kilalanin ng lahat ng rebolusyonaryo sa pamunuang pulitikal at militar, maging pormal ang pagbalangkas ng isang chain of command sa ilalim ng isang Philippine Revolutionary Army na kalaunan ay naging Philippine Army, at ang paglawak ng rebolusyon mula sa katimugang Luzon patungo sa Gitnang Luzon.
Bagama’t nagsilbing pook pinagkwartelan o pinagtagunan, kalaunan ay naging lugar ang Biak-na-Bato ng pagbalangkas ng isang kasunduang tigil-putukan sa pagitan ng mga rebolusyonaryo at mga Kastila.
Bilang panimula sa layuning tigil-putukan, pinalaya ng mga Kastila ang mga nadakip na rebolusyonaryong sina Felix Ferrer, Isabelo Artacho at Heneral Vicente Lukban.
Sinundan ito ng pagkakalagda sa tinatawag na Kasunduan ng Biak-na-Bato noong Disyembre 14 at 15, 1897 na binubuo ng tatlong dokumento.
Nilalaman ng unang dokumento ang tigil putukan sa kondisyon na sa Hong Kong na mamumuhay sina Heneral Aguinaldo at ang mga opisyal ng rebolusyon ngunit hindi na babalik sa Pilipinas. Nangako ang espanya na bibigyan sila ng halagang P800 libong ‘pabaon’.
Sa ikalawang dokumento, nakasaad ang pagbibigay ng kapatawaran ng Espanya sa mga nanguna sa rebolusyon kung isusuko nito ang mga armas na kanilang mga ginamit. Habang nililinaw sa ikatlong dokumento ang halaga ng salaping ibibigay ng Espanya kapag natupad ang mga naunang pinagkasunduan.
May kabuuang P1.7 milyon ang bayad-danyos na ipinangako ng Espanya kung saan sa loob ng halagang ito, P900 libo ang ibibigay sa mga sibilyan na nagdusa dahil namatayan o nasiraan ng ari-arian dahil sa rebolusyon.
Muling tiniyak ng Espanya ang halagang P800 libo na naunang ipinangako para sa mga nanguna sa rebolusyon.
Hindi natupad ang marami sa mga napagkasunduan sa Kasunduan ng Biak-na-Bato gaya ng nasa P400 libo lamang ang ibinigay ng Espanya.
Nagpatuloy din sa pag-aresto ang pamahalaang kolonyal sa mga Pilipinong lumahok sa rebolusyon.
Ito ang nagbunsod upang magdesisyon sina Heneral Aguinaldo at mga kasama na bumalik sa Pilipinas mula sa Hong Kong na isa sa nagsilbing sangtuwaryo ng mga indibidwal na nakikipaglaban para sa kalayaan, upang ituloy ang rebolusyon.
Sa kanilang pagbabalik sa bansa, natamo ang unang tagumpay ng rebolusyon mula sa Labanan sa Alapan sa Imus, Cavite noong Mayo 28, 1898, kung saan naiwagayway sa unang pagkakataon ang watawat ng Pilipinas na ginawa sa Hong Kong.
Ito ang nagbigay daan para maiproklama ang Kalayaan noong Hunyo 12, 1898 na niratipikahan ng Kongreso ng Malolos noong Setyembre 29, 1898.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Aguinaldo na bagama’t naging malaking hamon ang kinalabasan ng nasabing mga kasunduan, dapat aniyang maging aral na kahit anumang pagsubok o negatibong pangyayari ang masalubong, hindi dapat mapaghinaan ng loob para kumapit sa layunin at pagsikapang matupad ang isang pangarap.
Samantala, naugat din sa eksibisyong ito na ang pagpasok ng mga salapi sa pamunuan ng rebolusyon ay naging simulain sa pagkakaroon ng sariling kaban ng Pilipinas kaya’t naitatag noong Marso 17, 1897 ang Departamento de Finanzas na ngayo’y Department of Finance.
Ang naturang ahensiya ay kinapalooban ng isang Bureau of Treasury noong Nobyembre 2, 1897.
Para pamunuan ito, hinirang ni Heneral Aguinaldo si Heneral Baldomero Aguinaldo bilang direktor ng pananalapi at naging kalihim ng kaban ng bayan o secretary of the treasury ng tinaguriang Republika ng Biak-na-Bato.