May 2,262 na mag-aaral ng President Ramon Magsaysay State University ang tumanggap ng educational assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Ito ay pinangasiwaan mismo nina Senador Imee Marcos na siyang Chairperson ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development at Gobernador Hermogenes Ebdane Jr.
Ayon kay DSWD Regional Information Officer Reiner Grospe, sila ay mga mag-aaral ng Sta Cruz, Iba at Botolan campus ng naturang pamantasan kung saan ang bawat benepisyaryo ay tumanggap ng P3,000.
Paliwang ni Grospe, ang mga nakatanggap ng educational assistance ay dumaan sa assessment ng mga social workers.
Batid aniya ng DSWD na sila ay tunay na nangangailangan at ikinalulugod ng kanilang ahensya na makatulong ang pamahalaan upang maging matagumpay sa kanilang pag-aaral.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Marcos ang mga mag-aaral ng pag-aagrikultura na lumahok sa proyekto nitong Young Farmers Challenge kung saan maaring makatanggap ng P50,000 hanggang P100,00 grant.
Aniya, ang mga kabataan ang kinabuksan ng mga mga magbubukid at mangingisda.
Kaugnay nito, nagpaabot rin ang tanggapan ni Marcos ng limang milyong piso bilang tulong pinansyal sa mga programa at proyekto ng sektor ng agrikultura sa bayan ng Botolan.
Ang AICS ay nagsisilbing safety net na mekanismo upang suportahan ang pag-ahon ng isang indibidwal mula sa hindi inaasahang krisis gaya ng sunog, pagkakasakit o pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya, kalamidad at iba pang sitwasyon. (CLJD/RGP-PIA 3)