Prototyping project, ipinaliwanag ng PhilMech

Ipinaliwanag ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech ang kapakinabangan ng ginagawang Agricultural Mechanization Design and Prototyping Center o AMDPC project sa Nueva Ecija. 

Ayon kay PhilMech Director Dionisio Alvindia, makagagawa na ang ahensya ng mga sariling makinarya at kagamitang pambukid sa pamamagitan ng nasabing proyekto.

Makatutulong aniya ito sa mga magsasaka upang lalong mapaganda ang kanilang produksyon.

Sa pamamagitan ng AMDPC, mapasisimulan ang local manufacturing ng mga makinaryang pambukid sa bansa.

“Kung halimbawa naka-develop ng makina ang ating mga siyentipiko at mananaliksik dito sa PhilMech, ipoprototype natin ‘yan. Gagawa tayo ng modelo na gagayahin ng ibang manufacturers,” paglilinaw ni Alvindia.

Aniya, mapapababa nito ang manufacturing cost ng mga pananim dahil mas mababa ang presyo ng locally manufactured machineries, at bababa ang post-harvest losses ng mga magsasaka. 

Bukod dito, makapagbubukas din ng oportunidad panghanap-buhay ang proyektong ito.

“Ang pinakamaganda rito, malaki ang magiging impact nito para sa rural areas [dahil] magkakaroon ng trabaho ang mga tao,” saad ni Alvindia.

Samantala, ibinahagi ng direktor na ikakalakal na rin sa ibang bansa ang mga isasagawang makinarya ng PhilMech sa pamamagitan ng AMDPC matapos ang dalawa o tatlong taon.

Naging posible ang nasabing proyekto sa tulong ng pamahalaan ng bansang Korea.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews