LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan — Umabot sa 2,983 Bulakenyo ang tumanggap ng libreng gamot at atensyong medikal bilang bahagi ng Laboratoryo, Konsulta, at Gamot para sa Lahat (LAB for All) caravan.
Inilunsad ito ni Unang Ginang Marie Louise ‘Liza’ Araneta-Marcos katuwang ang Department of Health o DOH, Department of the Interior and Local Government o DILG, Department of Social Welfare and Development o DSWD, Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth, Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO, Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR, at pamahalaang panlungsod ng San Jose del Monte.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ng unang ginang na sinisikap ng administrasyong Marcos na sadyain ang mga mamamayan upang maihatid sa mga pinaka nangangailangan ang mataas na antas ng serbisyong medikal at dental, operasyon, at suplay ng gamot, sa halip na hintaying sila pa mismo ang pumunta sa mga ospital.
Ayon kay DOH Bulacan Development Management Officer V Emily Paulino, sentro ng programang LAB for All ang pinagsama-sama at sabay-sabay na pagdaraos ng out-patient services gaya ng laboratoryo at diagnostic.
Pagkatapos ay isasailalim ang mga naturang pasyente sa check-up at bibigyan ng hanggang tatlong buwang suplay ng libreng gamot depende sa kanilang pangangailangan.
Bukod sa serbisyong medikal at mga gamot, tumanggap din ng pinansyal na ayuda ang mga benepisyaryo ng nasabing programa sa ilalim ng Assistance to Individuals on Crisis Situation o AICS ng DSWD.
Samantala, binigyan din ng isang bagong unit ng ambulansiya ng PCSO ang pamahalaang lungsod ng San Jose del Monte upang magamit sa paghahatid ng mga pasyente, kagamitang pang laboratoryo, at gamot, bilang bahagi ng tuluy-tuloy na operasyon ng LAB for All Project sa Bulacan. (MJSC-SFV/PIA 3)