IBA, Zambales — May 35 sari-sari store owner sa Zambales ang tumanggap ng mga livelihood kit mula sa Department of Trade and Industry (DTI).
Sila ay mula sa mga bayan ng Cabangan, Botolan, Iba, Candelaria at Palauig na naapektuhan ng bagyong Egay.
Ayon kay DTI Provincial Director Enrique Tacbad, ito ay sa ilalim ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG) na isang programa ng kagawaran upang mapalakas ang mga micro enterprises.
Aniya, sa ilalim ng programang ito, ang DTI ay nagbibigay ng dagdag na gamit o produkto upang lalong mapaunlad ang kanilang mga negosyo.
Paliwanag pa ni Tacbad, kapag umunlad ang mga negosyo ng msmes ay magkakaroon ng maraming negosyante at magdudulot ito ng maraming trabaho sa Zambales.
Ito rin aniya ay makakatulong sa paglago ng lokal na ekonomiya sa lalawigan.
Kaugnay nito, hinikayat ni Tacbad ang mga benepisyaryo na mahalin at paunlarin ang mga ito.
Patuloy rin aniya sila sa pag momonitor ang DTI sa mga benepisyaryo ng PPG.