4 na business establishments sa Bataan, isinailalim sa Oplan Kandado ng BIR 

Apat na business establishments sa Bataan ang isinailalim sa Oplan Kandado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) RDO 20 dahil umano sa hindi tama o hindi wastong pagbabayad ng buwis, kamakailan.

Sa panayam ng Morning Connections kay Bataan RDO-20 Chief, Atty. Mercedes Estalilla, ang apat na mga negosyong ikinandado ay bahagi ng mahigit isang daang business establishments sa buong bansa.

“Nationwide itong Oplan Kandado namin at yung mga naikandado namin dito sa Bataan ay pawang mga branches lang. Since August minomonitor namin sila kaya dumaan ito sa masusing imbestigasyon bago namin sila ipinasara,” pahayag ni Atty. Estalilla sa panayam sa kanyang tanggapan nitong Lunes.

Isa sa mga ikinandado ay ang 167 Shopper’s Mart sa Capitol Drive, Balanga City. Ani Atty Estalilla, nag-iisyu naman ng electronic receipt ang naturang establisimyento subalit nakitaan umano ng “discrepancies” at hindi umano sapat ang ibinabayad nitong buwis sa BIR. 

Kabilang din aniya sa ipinakandado ang group of companies na “owned by DB Mart, DG Mart Shoppers, DB Mall, mga ganon.”

Matatandaang nitong Disyembre 2022, ang pamosong Geno’s Ice Cream ay naipakandado din ng BIR-Bataan ang pagawaan nito at tindahan sa Balanga at Orani at nabuksan lamang matapos magbayad ng karampatang buwis na utang umano nito sa BIR. 

“Patuloy po ang panawagan at babala ng BIR RDO-20 sa mga negosyo dito sa Bataan na magbayad ng tamang buwis. Kung may katanungan ay pwede namang magpunta ng personal sa aming tanggapan kung mayroong mga hindi maintindihan sa mga proseso,” dagdag pa ni Atty Estalilla.

Nagpapatuloy din ang mga isinasagawang news business registrant briefing at one-on-one briefing ng BIR Bataan para madagdagan ang kaalaman ng mga negosyante sa tax compliance. Kabilang din sa mga aktibidad ng naturang ahensya ang seminar on tax filing, compliances, reportorial requirements, at tax updatesof medical, dental at iba pang health related activities.

Nitong Oktubre 16, 2023 ay available na rin para sa mga taxpayers ang Taxpayer Registration Related Application Portal.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews