LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nagkaloob ng may isang libong kahon na tulong ang mga mamumuhunang Tsino para sa mga mahihirap sa Bulacan.
Pormal na ibinigay ang donasyon sa pamahalaang panlalawigan kasabay ng ginawang official visit ng delegasyon mula sa lungsod ng Changsha sa pangunguna ni Party Secretary Wu Guiying ng Communist Party of China-Changsha Municipal Committee.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, isa ito sa maraming patunay ng masiglang ugnayan, pagtutulungan at pagkakaibigan ng Bulacan at lungsod ng Changsha.
Magandang panimula aniya ito sa bubuksang mga negosyo sa Bulacan upang mapagtibay ang pagkakaunawaan at pagtingin ng isa’t isa ng dalawang lahi.
Ang Changsha ay kabisera ng lalawigan ng Hunan sa People’s Republic of China kung saan mayroong sisterhood agreement ang lalawigan ng Bulacan.
Kabilang sa donasyon ng mga mamumuhunan ang 435 kahon ng gamot, 165 kahon ng diaper, 140 kahon ng de lata, 100 sako ng bigas at 250 assistive devices tulad ng mga wheelchair, manual blood pressure, digital blood pressure, glucometer, at nebulizer.
Ito ay mula sa Philippine Hunan Chamber of Commerce, Sunward Philippines Inc., Zhongxin Guotai Construction Corporation, Zoomlion Heavy Industry Philippines Inc., Hon-Kwang Electric Philippines Inc., at Sany Philippines Inc.