‘News Hues’, eJeeps

Noong Martes, pormal na inumpisahan ng Pampanga Press Club (PPC) ang ‘News Hues’, ang buwanang press conference sa Park Inn Radisson Clark.

Muli nagpapasalamat ang hanay ng mga mamamahayag ng Pampanga sa pamunuan ng Park Inn Radisson na kinabibilangan nina Ginang Zenaida R. Alcantara, Park Inn General Manager at sampu ng kanyang mga kasamahan. Napakaganda ng lokasyon ng Park Inn Radisson sapagkat ito ay katabi lamang ng SM Clark at malapit pa sa Clark International Airport.

Isa na sa mga regular na bisita sa Park Inn Radisson ang mga crew ng Qatar Airways. Hindi na mapipigil ang pagdagsa ng mga magagandang hotels sa Angeles City at marami na rin pagpipilian ang mga tao.

Sa unang ‘News Hues’ press conference, nagpahayag ang SM Clark Management ng pagsuporta sa pagsulong ng Clark airport sa pamamagitan ng apat na Electric Jeeps (eJeeps) na magdadala ng mga pasahero ng paliparan. Ang apat na eJeeps ay na magsasakay ng 25 katao ay pipila sa SM Clark magmula 10 ng umaga hanggang 11 ng gabi.

Ayon pa sa tagapagsalita ng SM Clark Management, P25 lamang kada katao ang singil ng eJeep kumpara sa mga mapagsamantalang taxi drivers na sumisingil hanggang P500 magmula SM Clark patungong Clark airport lamang.

Ang pagbibigay ng murang transportasyon ay naging tugon ni Gobernador Lillia Pineda at ng SM Clark Management matapos magreklamo ang mamamayan sa napakamahal na singil ng mga ibang drivers.

Ang eJeeps ay magiging regular na serbisyo publiko ng SM Management. Napakalaking tulong ang ginawa ni Gobernador Pineda at ng SM Clark Management para sa taong bayan. Bawat isang eJeep na nagkakahalaga ng P1.2 million, ay may WiFi at GPS capabilities at tatakbo ng 60kph sa layong 100 kilometers.

Sa mga nais na gumamit ng mga EJeeps ng SM Clark, ito ay inumpisahan na noong Lunes pa. Ang SM Clark ay magsisilbing ‘Park and Fly’ area ng Clark airport. Maaring iwan ang mga dalang sasakyan sa SM Clark at sumakay ng eJeep patungong Clark airport. Ito na marahil ang kauna-unahang ‘Park and Fly’ ng airport.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews