Ugnayang Cultural Center of the Philippines at Bulacan para sa Sining at Kultura, mas palalakasin

Isinusulong ng Cultural Center of the Philippines o CCP na mas mapaigting ang pakikipagtulungan nitong institusyon sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, 20 bayan at apat na lungsod nito upang lubos na itaguyod ang mayamang sining at kultura ng bansa.

Ayon kay Michelle Nikki Junia, president ad interim ng CCP, layunin nito na mas mailapit sa pinakakaraniwang mamamayan ang mga presentasyon, serbisyo at adbokasiya ng CCP na nakatindig sa prinsipyo ng katotohanan, kabutihan at kagandahan o ang pamosong ‘the truth, the good and the beautiful.

Iyan ang ipinaabot ng CCP sa mga Bulakenyo at mga local chief executives sa ginanap na pagtatanghal ng Philippine Philharmonic Orchestra o PPO ng CCP sa harapan ng makasaysayang simbahan ng Barasoain, bilang sentro ng pagdiriwang ng Ika-24 Taong Anibersaryo ng Pagkalungsod o cityhood ng Malolos.

Para kay Malolos City Mayor Christian D. Natividad, akmang akma ang inisyatibong muling makapagtanghal ang PPO ng CCP sa lalawigan, partikular dito sa lungsod, upang makapagbukas ng mas maraming pintuan ng oportunidad para sa mga nasa creative industry sa larangan ng musika.

Kaya naman minarapat ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos na anyayahan din ang League of the Municipalities of the Philippines o LMP-Bulacan Chapter upang tuwirang maiugnay ang 20 punong bayan at apat na mga punong lungsod sa CCP.

Bukod sa posibleng malapitang pagtatanghal ng PPO sa iba’t ibang panig ng Bulacan, magiging pagkakataon din ito sa CCP upang mailapit sa mga Bulakenyong nasa creative industry ang anumang angkop na tulong o pag-agapay sa lalo pang ikagaganda at ikalalago ng kanilang larangan.

Sakop nito ang mga nasa larangan ng film and broadcast arts, literary and visual arts, theater, dance at music. Iniaalok ng CCP sa kanila ang mga serbisyo gaya ng workshops, seminars, anthologies, exhibits, symposia at kasanayan sa pagsasagawa at paglahok sa mga competitions. Gayundin ang pagsasagawa ng mga awarding activities.

Mayroon ding mga programa ang CCP na uubrang malahukan ng mga nasa creative industry gaya ng Cultural Content Program, Cultural Exchange Program at ang taunang Cinemalaya Independent Film Festival.  

Kilala ang CCP na tahanan ng pinakamagagaling na performing companies ng bansa gaya ng PPO, University of Sto. Tomas (UST) Symphony Orchestra, Philippine Madrigal Singers at ang National Music Competitions for Young Artists Foundation o NAMCYA sa larangan ng musika.

Sa larangan ng sayaw, nandyan ang Ballet Philippines, Philippine Ballet Theatre, Ramon Obusan Folkloric Group at ang Bayanihan Philippine National Folk Dance Company. Habang ang Tanghalang Pilipino ang resident theater company ng CCP.

Kaugnay nito, binigyang diin ni Junia na magpapatuloy ang paglibot ng CCP kahit na muling magbukas ang publiko ang 53 taong gulang na gusali ng CCP na ngayo’y sumasailalim sa malawakang rehabilitasyon.

Iniulat din niya na bukod sa mga donasyon mula sa pribadong sektor, naglaan ang Department of Budget and Management o DBM ng P400 milyon sa pambansang badyet ng 2024 bilang ambag sa P1 bilyong kailangan sa pagsasaayos ng gusali ng CCP.

Target matapos at muling buksan ito sa taong 2026 na itinaon sa pagdadaos sa bansa ng Association of South East Asian o ASEAN Summit.

Naitatag ng CCP bilang isang ganap na institusyon sa bisa ng Executive Order No. 60 ni noo’y Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr. noong 1966. Unang nabuksan sa publiko noong Setyembre 10, 1969 bilang sentro ng kaluluwa at pagkakakilanlan ng mga Pilipino bilang isang lahi sa pagtataguyod ni noo’y Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews