Nasa kasagsagan na ang konstruksiyon ng Third Candaba Viaduct sa North Luzon Expressway (NLEX) na mayroon nang 30.58 porsyento na progress rate.
Kalakip ng puspusang paggawa para matapos ang proyekto sa Nobyembre 2024 ay ang pagkakaroon ng katiyakan sa pondo.
Ayon kay NLEX Corporation President Luigi Bautista, lumagda sila ng loan agreement sa Bank of the Philippine Islands para sa halagang P10 bilyon kung saan bahagi nito ay ilalaan sa naturang proyekto.
Base sa naunang inaprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB), mangangailangan ang proyekto ng halagang P8 bilyon.
Ang 5.3 kilometrong Third Candaba Viaduct ay itinatayo sa gitna ng dalawang orihinal na istraktura na matatagpuan sa bahagi ng NLEX mula sa bayan ng Pulilan sa Bulacan hanggang sa bayan ng Apalit sa Pampanga.
Magiging kasing haba nito ang halos 50 taong gulang na naturang mga istraktura na naitayo pa sa pagitan ng 1974 hanggang 1977.
Bilang pagtitiyak na magiging tuluy-tuloy ang konstruksiyon, sinabi ni TRB Executive Director Alvin Carullo na 170 sa 198 na mga pamilyang nasa ilalim at malapit sa Candaba Viaduct ang nailipat na mula rito.
May halagang P9.3 milyon ang ipinagkaloob na financial assistance ng NLEX Corporation sa nasabing mga pamilya.
Ipinaliwanag ni Carullo na hindi dapat mabalam ang proyekto dahil nakasalalay dito ang katatagan ng dalawang matatandang Candaba Viaduct at kaligtasan ng mga motorista patungong Hilaga at Gitnang Luzon, at mga paluwas sa Metro Manila.
Sa itinatayong Third Candaba Viaduct ikakapit ang mas matatandang viaduct kung kaya’t magkakaroon ito ng anim na linya o tig-tatlong linya sa magkabilang panig na may road shoulder sa kanan.
Sa ngayon, bagama’t tatlong linya ang magkabilang panig ng Candaba Viaduct, wala itong road shoulders na maaring pansamantalang matabihan ng mga sasakyang nasa emergency situation.
Nalagyan na lamang ng mga emergency bays sa mga istratehikong lugar sa nakalipas na may anim na taon.
Nagsisilbing kontratista sa Third Candaba Viaduct ang isang Australian project development and contracting group na Leighton Asia na siya ring gumawa sa modernisasyon ng NLEX mula noong 2002 hanggang 2005.
Samantala, bukod sa pagpapatayo ng Third Candaba Viaduct, naunang inaprubahan ng TRB ang ginawang retrofitting sa dalawang mas matatandang viaduct.
May 38 link slabs o dugtungan at sahig ng nasabing mga viaduct ang pinalitan ng bagong girders na may taas na 1,300 millimeter at lapad na 1,000 millimeter. (CLJD/SFV-PIA 3)